2,958 total views
Umaasa ang pamunuan ng National Shrine of Our Lady of Lourdes na maranasan ng mga deboto ang kagalingan sa bawat pagdalaw sa dambana.
Batid ni Shrine Rector at Parish Priest Fr. Jefferson Agustin, OFM Cap. na karaniwang dumadalaw sa dambana ay naghahanap ng kagalingan sa iba’t ibang uri ng karamdaman.
“Sana sainyong pagpunta rito sa dambana ay makararanas kayo at makatanggap ng pagpapagaling mula sa ating Panginoong Hesus sa tulong ng panalangin ng Mahal na Birhen ng Lourdes.” pahayag ni Fr. Agustin sa Radio Veritas.
Nagalak ang pari dahil muling naipagdiwang ng dambana ang mga gawain tuwing pista na naipagpaliban ng dalawang taon dahil sa pandemya.
Ito rin ay paalala sa mamamayan na sa bawat karanasan ng tao ay kasama ang Panginoong nakikilakbay at kaisa sa bawat pagdurusa tulad ng karanasan ng COVID-19 pandemic lalo’t kasabay ng kapistahan ang paggunita sa World Day of the Sick na may temang ‘Take care of him’.
“Sa pagdating ng sakit sa buhay natin ay umuusbong naman ang pananalig natin sa Diyos yung pananampalataya natin na tayo ay sasamahan ni Hesus sa ating pagkakasakit, hindi tayo pababayaan sa ating karanasan.” giit ni Fr. Agustin.
Itinuring ni Fr. Agustin na isang malaking biyaya mula sa Panginoon ang pagtitipon-tipon ng mga deboto at ipinadama sa sangkatauhan ang presensya ng Diyos.
Sinabi ng pari na ang pagbubuklod ng mga deboto ay alinsunod sa tema ng pagdiriwang na ‘Simbahang Sinodal Nagkakaisa, Nakikibahagi at Nagmimisyon’ kung saan inaanyayahan ang mananampalataya na magkaisa tungo sa pagtupad sa misyon ni Hesus na ipalaganap ang mabuting balita sa mga pamayanan.
Pinangunanahan ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown ang pagdiriwang ng kapistahan ng Mahal na Birhen ng Lourdes noong February 11 kasama sina Cubao Bishop Honesto Ongtioco, komunidad ng Franciscan Capuchin na nangangasiwa sa dambana at mga bisitang pari.
Tiniyak ni Fr. Agustin sa mga deboto na bukas ang simbahan sa anumang oras para sa lahat ng nangangailangan ng kanlungan lalo na tuwing Sabado sa alas 6:30 ng umaga sa Rosary Procession na susundan ng Healing Mass sa alas 7:30 ng umaga.