19,383 total views
Kinilala ni healing priest Fr. Joseph Faller ng Kamay ni Hesus Healing Church ang malaking tungkulin ng Mahal na Birheng Maria sa pagpapagaling ng mga may karamdaman.
Ito ang mensahe ng pari sa pagbasbas at pagluklok ng imahe ng Our Lady of Remedies sa dambana ng Healing Church of the Risen Christ sa pangunguna ni Papal Nuncio to the Philippines Archbishop Charles Brown nitong January 21, 2024.
Ayon kay Fr. Faller na sa pamamagitan ng makainang pagkalinga ng Mahal na Birhen ay tinutulungan ang mga maysakit na idulog kay Hesus ang kahilingang pagpapagaling.
“Ito ay paalala na katuwang ni Jesus sa pagpapagaling ang pamamagitan ng Mahal na Birhen lalo’t higit ang kanyang taguri Our Lady of Remedies ay nagdadala ng kagalingan, nagdadala ng kalayaan mula sa iba’t ibang uri ng karamdaman; kaya naman ito ay isang paalala it is a beautiful reunion between the mother and His Son Jesus giving us a powerful message of healing, a powerful message of liberation anuman ang ating pinagdaaanan ay mapagtagumpayan,” pahayag ni Fr. Faller sa Radio Veritas.
Palaala ng healing priest sa mananampalataya na ang imahe ng Risen Christ ay larawan ng pagtatagumpay sa kabila ng iba’t ibang hamon na pinagdadaanan sa buhay kasabay ang pagkandili ng Mahal na Ina.
Buong pusong ipinagkatiwala ni Fr. Faller sa Diyos sa tulong ng Mahal na Birhen ang kanyang healing ministry bilang instrumento at daluyan ng pagpapagaling sa bawat may sakit na dumudulog sa dambana ng Kamay ni Hesus Healing Church.
Ikinalugod ni Fr. Faller ang pagbisita ng kinatawan ni Pope Francis sa Pilipinas kung saan naramdaman ang diwa ng pagiging mapagkalingang simbahan at naipapaabot ang pakikiisa ng santo papa sa gawain ng Kamay ni Hesus.
Aniya makatutulong ang pagbisita ni Archbishop Brown upang higit na mapagtibay ang pananampalataya.
“Damang dama ko ang sense of the church, malaking inspirasyon sa amin dito sa Kamay ni Hesus at malaking pag-asa sa mga tao na umaasa ng kagalingan na lalo silang tumibay, tumatag ang pananampalataya sa kabila ng kanilang mga pinagdaanan sa buhay,” giit ni Fr. Faller.
Bukod kay nuncio sinaksihan din nina Lucena Bishop Mel Rey Uy at Bishop Emeritus Emiliio Marquez ang pagdambana ng Nuestra Señora de los Remedios.
Ikinagalak ni Fr. Faller ang paglilingkod sa healing ministry ngunit muling binigyang diin na bukod tanging si Hesus ang nagpapagaling sa mga may karamdaman at siya ay instrumento lamang ng Panginoon na nagsisilbing daluyan ng biyaya nang kagalingan.
Ang Kamay ni Hesus Shrine sa Lucban Quezon ay isa sa mga tampok na lugar ng lalawigan na dinadayo ng milyong milyong deboto lalo na tuwing mga Mahal na Araw.