301 total views
Pinuri ng isang Obispo ng Simbahang Katolika ang mga negosyante na bukod sa materyal na pangangailangan ay tinutugunan rin ang pangangailangang pang-espiritwal hindi lamang ng mga mamamayan kundi maging ng kanilang mga kawani.
Ayon kay Diocese of Cubao Bishop Honesto Ongtioco, higit sa anumang halaga o materyal na pagmamay-ari ay tanging Diyos lamang ang makapagbibigay ng tunay na kaligayahan at ganap na kapanatagan na ninanais makamit ng bawat nilalang.
Paliwanag ng Obispo, bukod sa kapanatagan ay mas marami pang mga biyaya ang maaring makamit sa piling ng Diyos.
“Tuwang tuwa ako na may mga malls they try to separate a place for prayer, so ang kanilang hangad ay hindi lamang magbusiness, nandoon din ang kanilang pagmamalasakit tugunan ang pangangailangan ng tao. Tanging ang Diyos ang makakapagbigay ng satisfaction sa hunger and thirst of man this we find in prayer, this we find in communicating with God. So salamat sa mga malls, mga business owners, businessmen na gumagawa ng paraan upang mapayaman ang faith-life, buhay espiritwal ng mga tao lalo na ng kanilang mga worker. Kung minsan nakakalimutan yan puro kita nalang, puro profit pero nandyan yan lalong dadami ang biyaya kapag tayo ay malapit sa Diyos…” pahayag ni Bishop Honesto Ongtioco sa panayam sa Radyo Veritas.
Pinangunahan ni Bishop Ongtioco ang pagbabasbas at unang banal na misa sa bagong pinasinayaang Our Lady of the Most Holy Rosary Chapel sa ika-apat na palapag ng SM North EDSA The Block.
Itinuturing ito ng Obispo na isang pagtugon sa panawagan ni Saint Pope John Paul II para sa New Evangelization.
Kasama ang iba pang mga Pari ng diyosesis at katuwang ang kura paroko ng Our Lady of Hope Parish Church na si Rev. Fr. Victor Angelo Parlan ay nagpaabot ng pasasalamat ang Simbahan sa pagiging katuwang ng establisyemento sa pagpapalaganap ng Mabuting Salita ng Panginoon.
Pagbabahagi ni Fr. Parlan, isang malaking biyaya para sa pamayanan na nasa bahagi ng diyosesis na magkaroon ng panibagong lugar dalanginan sa gitna ng kaguluhan, pagiging abala at mga alalahanin sa buhay.
Iginiit ng Pari na mahalaga ang papel na ginagampanan ng kapilya upang mabigyan ng lugar ang bawat isa upang makapanalangin, marinig ang salita ng Diyos at maramdaman ang presensya ng Panginoon sa pamamagitan ng pagtanggap ng Eukaristiya.
Matapos ang unang banal na misa sa kapilya ay nagkaroon ng paglagda sa isang Memorandum of Agreement sa pagitan ng SM Management sa pangunguna ni Mrs. Felicidad Tan Sy at Diyosesis ng Cubao kaugnay sa pamamahala ng Simbahan sa bagong kapilya.
Ayon sa pamunuan ng establisyemento, layunin ng Our Lady of The Most Holy Rosary Chapel na magsilbing spiritual haven para sa mga mananamapalatayang kawani at mga mamimili sa lugar.
May isang libong seating capacity ang kapilya kung saan tuwing araw ng Linggo ay mayroong nakahanay na 3 misa mula alas-dyes-y-medya ng umaga, alas-kwatro-kinse ng hapon at alas-sais ng gabi.
Mayroon namang 2 misa kada araw tuwing Lunes hanggang Sabado na maaring daluhan ganap na alas-dose-kinse ng tanghali at alas-sais ng gabi.