569 total views
Marami pa rin ang out-of-school-youth (OSY) sa ating bayan kapanalig. Kadalasan, ang tingin natin sa kanila ay mga pasaway o pabigat, na tila ba choice nila ang hindi mag-aral. Dahil dito, kalimitan maliit o mababa ang tingin natin sa kanila sa ating lipunan, sa mga komunidad. Isip natin, tamad lang sila o di kaya ang mga magulang nila. Kaya sa mga pamayanan, maraming OSY ang napapabayaan o pinababayaan na lamang.
Base sa 2017 data ng Philippine Statistics Authority (PSA), tinatayang mga 3.53 milyong kabataan ang OSYs sa ating bansa. Pihadong naging mas mataas ito dahil sa pandemya. Mahigit sa 80% nito ay mga kabataang may edad 16 to 24. Kadalasan, tumitigil sila sa pag-aaral dahil sa pag-aasawa, kawalan ng interes, at kahirapan. Dahil sa mga rason na ito, marami sa ating mga kababayan na nagsasabi na hayaan na lamang sila.
Ang ganitong perspektibo ay kailangan nating mabago kapanalig. Ang OSY, kapanalig, ay mga bata na kailangan ng ating suporta at gabay. Hindi nga ba’t may kasabihan na it takes a village to raise a child? Kung susuko tayo sa ating mga kabataan, paano na sila?
Kailangan nating mainspire o mapukaw ang mga kabataan na mangarap ng mas magandang buhay, hindi lamang para sa kanila, kundi para sa kanilang mga pamilya. Kailangan natin maituro sa kanila na nasa kanilang mga kamay ang kanilang kapalaran, at ang pagsisigasig nila ngayon habang bata pa sila ay namumunga ng magandang buhay sa kalaunan. Kailangan nating maibahagi sa kanila na napakaraming mga posibilidad at oportunidad ang naghihintay sa kanilang bukas, kaya’t napakahalaga ng kanilang mga desisyon at kilos habang kabataan pa lamang sila. Hindi nila makikita ang kanilang mga opsyon sa buhay kapanalig, kung pababayaan natin sila. Tayo, bilang isang lipunan, ay dapat umaalalay sa kanila.
Isang ehemplo ng pag-aalalay sa OSY ay ang pagbibigay ng oportunidad sa kabataan upang malinang ang kanilang mga kakayahan. Isang halimbawa ay ang Opportunity 2.0 program sa Pasig City na nagbubukas ng mga oportunidad para kabuhayan at kasanayan sa mga OSYs ng lungsod. Ang mga vocational programs din ng TESDA ay halimbawa ng paglilinang ng mga kasanayan ng kabataan.
Napakahalaga, kapanalig, ng pagtutok sa kapakanan ng kabataan sa kahit anumang bayan. Ang pangangalaga ng kanilang kagalingan ay input para sa mas maayos na kinabukasan ng bansa. Kapag ating nagagabayan at name-mentor ang mga OSY, hindi lamang natin naitutuwid ang kanilang landas, natitiyak din natin ang magandang kinabukasan ng bayan.
Si Saint John Paul II ay isa sa mga huwaran natin sa pagpapahalaga ng mga kabataan. Maging inspirasyon sana natin siya sa ating pakikitungo sa mga OSY. Ating laging alalahanin ang kanyang pahayag mula sa Dilecti Amici: Adults hold ultimate responsibility for the present reality, but young people are the ones responsible for shaping the future.
Sumainyo ang Katotohanan.