9,224 total views
Tiniyak ng Philippine Health Insurance Corporations (PhilHealth) na bukas ang kanilang panig upang makipagtulungan sa simbahan at ibat-ibang sektor upang matugunan ang suliranin ng malnutrisyon sa Pilipinas.
Ito ang inihayag ni PhilHealth spokesperson Dr.Israel Francis Pargas matapos ilunsad ang Outpatient Therapeutic Care upang labanan ang severe acute malnutrition para iligtas ang mga batang dumaranas ng malnutrisyon.
Ayon sa opisyal, mahalaga ang mga inisyatibo ng pakikipagtulungan sa mga church based organization, Non-Government Organization at iba pang ahensya upang mapabilis at maparami ang mga naabot na bata ng programa.
“We are very much willing to cooperate and coordinate and collaborate with not only with our accredited facilities but with all othe NGOs and government agencies in order to make sure that this particular package will be utilized by our malnourished children and by every Filipino Child who would actually need this,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Dr.Pargas.
Ilalaan ng PhilHealth sa kada benepisyaryo ang 7,500-pesos na pondo para sa mga batang anim na buwang gulang pababa at 17,500 na pondo naman sa kada benepisyaryong anim na buwan hanggang animnapung buwang gulang.
Sa Datos ng Department of Health noong 2023, umaabot 29.5% sa populasyon ng mga batang Pilipinong nasa edad lima pababa ang biktima ng stunting o hindi normal na paglaki nang dahil sa malnutrisyon habang sinasabi ng United Nations Children’s Fund, na 95 bata sa Pilipinas ang namamatay kada araw dahil sa malnutrisyon.
Sa bahagi ng simbahan, nagpapatuloy ang mga programa ng Caritas Manila na Integrated Nutrition and Feeding Program na bukod sa pagpapakain ay nagbibigay din ng mga bitamina at sapat na nutrisyon na kinakailangan ng mga bata sa kanilang paglaki.
Noong 2022 ay higit na sa 75-libong bata ang naisalba mula sa malnutrisyon sa loob lamang ng limang taon.