233 total views
Ikinatuwa ng CBCP – Episcopal Commission on Migrants and Itinerant People ang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte na bukas ang Pilipinas sa mga refugee na nakakaranas ng kaguluhan sa kanilang bansa.
Ayon kay Balanga, Bataan Bishop Ruperto Santos, chairman ng komisyon, isang magandang hakbangin ang ginawa ng pangulo lalo’t ang halos 15 milyong overseas Filipino workers ay maluwag rin namang tinatanggap sa ibat-ibang mga bansa.
Malaki rin ang pasasalamat ng obispo, dahil kinilala ni Pangulong Duterte ang tungkulin ng Pilipinas sa pangangalaga sa mga migrante sa nilagdaan nitong pangako sa 1951 Convention Relating to the Status of Refugees.
“Magandang balita at nakikita natin rito na ang Pilipino kilala being hospitable o bukas loob, bukas-palad na tumatanggap sa mga nangangailangan, sa mga kapwa natin na kung saan tayo rin ay migrants. Na tayo rin ay lumalabas ng bansa upang magtrabaho tayo ay tinatanggap. Ang bansang Pilipinas ay signatory at tinutupad lamang natin ang ating pangako ang ating pinirmahan at ito ay nagpapatotoo na kung saan ay kinikilala natin ang kabutihan ng bawat isa maging sino man sila na may kakayahan at dapat nating tanggapin,” bahagi ng pahayag ni Bishop Santos sa panayam ng Radio Veritas.
Pahayag pa ni Bishop Santos na ang naging desisyon ng Pangulong Duterte na pagkukop ng Pilipinas sa mga refugees mula sa ibang bansa ay buhay na pagtupad sa isa sa mga pitong corporal works of mercy na pagkukop sa mga walang tahanan o dayuhan.
“At ito ay magandang bunga ng Taon ng Awa na kung saan one of corporal works of mercy ay tanggapin ang mga dayuhan, tanggapin ang mga nangangailangan ang mga nasa kagipitan at ito ay isa ng malaking pagpapakilala na ginagawa natin ang ating ipinagdiwang na Taon ng Awa,” giit pa ni Bishop Santos sa Radyo Veritas.
Nabatid na sa isang ulat na inilabas ng United Nations High Commissioner for Refugees(UNHCR), sinabi nitong hanggang noong Hunyo ng taong 2014, umabot sa 13 milyon ang bilang ng mga refugee sa buong mundo.
Anito, ito ay ang pinakamalaking bilang ng refugee sa daigdig, mula taong 1996.
Ipinahayag ng UN na ang walang tigil na digmaan sa Gitnang Silangan at Hilagang Aprika ay ang ugat sa pagtaas ng naturang bilang.
Nauna na ring nakasaad sa bagong Apostolic Letter ng Kanyang Kabanalan Francisco na “Miserecordia et Misera” (Mercy and Misery) na ipadama ang habag ng Diyos sa mga migrante at kilalanin ang kanilang dignidad.