147 total views
Balewala rin ang P10 dagdag sa sahod ng mga manggagawa sa Metro Manila.
Ayon kay RJ Javallana, convenor ng Union of Filipino Consumers and Commuters, ito’y dahil patuloy din ang inflation rate o pagtaas sa presyo ng mga pangunahing bilihin at serbisyo.
Aniya, ang suweldo ngayon ay halos 44% lamang ang kayang abutin para mabuhay ang isang pamilya.
“Sa aming pagtingin at iba pang samahan ang kasalukuyang inflation ay patuloy na nagbibigay ng dagdag-pahirap sa mamamayan dahil sumasabay o tumutugma ito sa batayang living wage na kailangan sana ng mga mangagagwa natin, ngayon ang P10 na ibinigay ay napakaliit na umaabot lamang na almost 44% ng nakabubuhay na sahod ng isang manggagawa na sana ay umabot sa 1,088.” Pahayag ni Javallana sa panayam ng Radyo Veritas.
Ayon kay Javallana, nitong nakaraang Pebrero nasa .09% ang inflation rate na tumaas ng 1.1% noong April.
Pahayag ni Javallana, mas mataas pa rin ang pangangailangan ng isang pamilya kumpara sa pondong pumapasok sa kanila.
“Itong mga batayang mga pangangailangan pagdating sa pagkain, malaki ang layo kapag ikinukumpara natin sa iba pang pangangailangan ng isang pamilya, halimbawa, patuloy ang taas sa singil sa ating tubig, ang kuryente, isa sa pinakamataas ang halaga sa buong Asya kaya anuman ang naging galaw sa pagtaas sa sahod eh gumalaw din ang inflation ay tinitingnan din ito ng dveleopment budget ng coordination committee ang target na inflation for 2016 na sila mismo ang naglabas, maari pa itong umakyat sa 2-4 % hanggang matapos ang 2016, tataas pa rin na makakaapekto sa kalagayan ng mga Filipino na malayong malayo sa dagdag na sahod ngayon.” Ayon pa kay Javallana
Sa ngayon nasa P491 ang minimum wage sa Metro Manila
Sa Social Doctrine of the Church, kinakailangan na ang estado at mga may-ari ng kumpanya ay nagbibigay ng sapat na benepisyo sa mga manggagawa gaya ng pagtaas sa sahod na akma sa kanilang kabuhayan at ligtas na pagawaan upang magkaroon sila ng dignidad kasama ang kanilang pamilya.