152 total views
Papogi lamang sa papaalis na administrasyong Aquino ang ibinigay na P10 dagdag sa sahod ng mga manggagawa sa Metro Manila.
Ayon kay Leody De Guzman, chairperson ng Bukluran ng Manggagawang Filipino, kakarampot lamang ang taas-sahod mula sa P150-P160 na hinihingi ng mga kawani sa bansa.
Aniya, hindi ito nakatulong sa tunay na tugon sa problema ng mga kawani sa taas ng halaga ng mga bilihin at serbisyo ngayon.
Dagdag ni De Guzman, nakatulong ang P10 sa pamasahe papunta ng trabaho na nasa malapit lamang.
“Makakatulong sa pamasahe papunta sa trabaho, may sukli pang P3 pero sa kabuuan napakaliit, hindi ito masyadong makakaapekto sa naging problema ng mga manggagawa sa taas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa araw araw. Napakaliit, huwag lang sabihing hindi masabing nagbigay ang gobyerno ngayon bago umalis.” Ayon kay De Guzman sa panayam ng Radyo Veritas.
Kaugnay nito, inihayag ni De Guzman na base sa pag-aaral ng National Economic Development Authority (NEDA) kailangan ng isang pamilya na may 6 na miyembro ang P1,121 na budget kada araw para makapamuhay ng naaayon sa itinatadhana ng batas gaya ng makakain sa oras, mapaaral ang mga bata at makapamasyal.
Dahil dito aniya, sa halip na P10, kailangan ng mga manggagawa ang P150 na wage hike para maging ayon ito sa living wage ng mga manggagawa.
“Ang living wage dapat nasa P150-P160 para maka-cope lang, talagang kailangan ng mangaggawa na may 6 na miyembro ng pamilya ay nasa P1,121 sa araw araw, dahil mataas ang bilihin, serbisyo at lahat ng pangangailan. Sa kuwenta ng NEDA dapat ang manggagawa na may 6 members ay tumatanggap ng ganitong halaga. Malaki ang dapat ibigay, pero mauunwanaan dahil sa kalagayan. Siguro ang P150 napakaganda na, pero ang P10 nakapalakayo doon sa P150 na pinaguusapan ng labor group. Nasa ganyang halaga para lang makabawi, at hindi para bigyan ng disenteng buhay ang ating manggagawa gaya ng sinasabi sa ating konstitisyon.” Pahayag pa ni De Guzman.
Sa survey ng Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 93.4% ang employment rate sa bansa noong January 2015 kumpara sa 92.5% noong January 2014 kung saan 90.7% nito nasa Metro Manila
Sa Social Doctrine of the Church, kinakailangan na ang estado at mga may-ari ng kumpanya ay nagbibigay ng taas sahod sa kanilang manggagawa sa pamamagitan ng pagbibigay ng tamang benepisyo at ligtas na pagawaan upang magkaroon sila ng dignidad kasama ang kanilang pamilya.
Sa ngayon nasa P491 ang minimum wage sa NCR.