168 total views
Isinisi ng isang obispo sa pamahalaan ang malaking halaga ng pinsal ng El Niño sa bansa.
Ayon kay Catholic Bishops Conference of the Philippines – Episcopal Commission on the Laity chairman Manila Auxiliary Bishop Broderick Pabillo, huli na ang lahat matapos na umabot na sa P12 bilyon ang pinsala sa sektor ng agrikultura mula Enero hanggang Abril dahil sa El Nino.
Sinisi rin nito ang administrasyong Aquino sa mga pangakong binibitawan nito na nakahanda na sila sa banta ng matinding tagtuyot habang nagpapatuloy naman ang hinaing ng nasa mahigit 5,000 magsasaka sa Mindanao dahil sa gutom.
“Malaki nang pinsala, nasaan ang tulong na ibinigay nila? Bakit ngayon lang naglaan ng pondo dapat noon pa yang El Nino. Ngayon lang sila maglalaan. Baka naman ilagay ang pondo pag tapos na ang El Nino. Dapat noon pa yan sabi nila ready sila. Noon pa sabi nila ready sila. Bakit ang mga farmers hanggang ngayon dumadaing. Baka ilalaan nila ang pondo at lumabas ang pondo pag tapos na. Saan naman kukunin ulit ng pondo,itigil na ang salita at kailangan ng kumilos ng pamahalaan lalo na sa paglalaan ng sapat na supplay ng bigas, pagkain at binhi para sa mga magbubukid. “Dapat ibigay na yung basic na pangangailangan ng mga magsasaka huwag na nilang sabihin na may ginagawa sila. Kailangan ng bigas, bigyan ng bigas, kailangan ng pagkain bigyan ng pagkain. Ngayon na talaga emergency na kailangan nila ngayon,” bahagi ng pahayag ni Bishop Pabillo sa Radyo Veritas.
Nabatid na 39 na mga probinsya sa buong bansa ang nasa ilalim ng state of calamity dahil sa El Nino phenomenon.
Habang batay naman sa tala ng United Nations tinatayang 60 milyon katao na sa iba’t ibang panig ng mundo lalo na sa Africa ang nangangailangan ng agarang tulong dahil sa trahedyang dala ng tagtuyot.
Batay pa sa taya ng UN ang lugi sa ekonomiya sa Southeast Asia dahil sa tagtuyot ay posibleng umabot na sa 10 bilyong dolyar.
Nauna na rito ipinagmalaki ng Department of Budget and Management (DBM) na inilabas na nila ang kabuuang P842.5 Million na QRF o Quick Response Funds para sa mga El Niño-related programs ng gobyerno.
Sa kasalukuyan ay may natitira pang P471 Bilyon na budget para sa QRF ayon sa impormasyon na inilabas ng DBM.