21,533 total views
Naharang ng Bureau of Customs (BOC) Port of Clark ang pagpasok sa bansa ng isang bagahe na may lamang P1.055 milyong halaga ng shabu.
Ayon sa BOC ang idineklarang chocolate package ay nakitaan ng kahina-hinalang laman ng idaan sa x-ray inspection.
Nakita sa loob ang isang pack ng Nerds gummies na mayroong isang medium plastic at 10 maliliit na plastic na may lamang puting crystalline substances na nakumpirmang shabu sa isinagawang chemical laboratory.
Nahuli naman ang dalawang lalaki na tumanggap ng package sa isinagawang controlled delivery operation.
Tiniyak ni BOC District Collector Atty. Elvira Cruz na patuloy na paiigtingin ng tanggapan ang operasyon sa mga iligal na kontrabando na tatangkaing ipasok sa bansa alinsunod sa direktiba ni Customs Commissioner Bienvenido Rubio.
Naunang naharang ng BOC-Port of Clark ang isang package na naglalaman ng 1.8 kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P12.47 milyon.
Idineklarang laruan ang laman ng package na galing sa California, USA.
Nahuli ang 42-anyos na lalaki na tumanggap ng package sa isinagawang operasyon sa Mandaluyong City.
Kamakailan ay nadiskubre ng BOC ang P19 milyong halaga ng shabu sa isang inabandonang bag sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 1.
Bukod sa mga tools at personal na gamit, nakita sa loob ng bag ang 2.846 kilo ng shabu.
Ang bag ay iniwan ng isang Ugandian na hindi pinayagang makapasok sa Pilipinas noong Disyembre 2022.