593 total views
Patuloy ang mga inisyatibo ng Caritas Manila upang malinang ang kakayahan at kasanayan ng mga kabataan.
Ito ang mensahe ni Fr. Anton CT Pascual–executive director ng Caritas Manila at Pangulo ng Radio Veritas 846 kaugnay sa gaganaping Youth Servant Leadership Education Program (YSLEP) Telethon sa August 15, araw ng lunes.
Paanyaya ng pari sa bawat isa ang pakikibahagi sa programa upang makalikom ng 20-milyong piso na ilalaan sa pag-aaral ng 5-libong YSLEP college-scholars at technical-vocational program sa pagsisimula ng school year 2022-2023.
“Suportahan po natin ang telethon na ito 30-thousand pesos po ang pagpapaaral sa isang YSLEP sa isang taon, nawa tayo po ay makapag-ambag, upang masuportahan natin ang limang-libong YSLEP scholars ng Caritas Manila sa buong Pilipinas,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Father Pascual.
Ayon kay Maribel Palmitos, officer-in-charge ng YSLEP, ngayong taon ay layunin makalikom ng P20-milyon para sa pag-aaral ng mahigit 5,000 scholar ng programa.
Bukod sa patustos sa pag-aaral ng YSLEP beneficiaries, ilalaan din ang malilikom na pondo sa Youth Servant Leadership program na layuning malinang ang integridad, disipilina at pagiging responsable ng mga kabataan.
Ngayong taon ay muling idaraos ang YSLEP Telethon sa himpilan ng Radio Veritas 846 simula ika-pito ng umaga hanggang ika-anim ng gabi na may temang ‘Youth Servant Leadership towards Nation Building’.