15,103 total views
Kasunod ng matagumpay na Bagong Pilipinas Serbisyo Fair Agency Summit, inilunsad nitong Sabado ang pinakamalaking serbisyo at convergence caravan, kung saan namahagi ng kabuuang P563 milyon halaga ng mga serbisyo ng gobyerno at tulong pinansyal sa mahigit 60,000 mamamayan ng lalawigan ng Batangas.
Ayon kay Speaker Ferdinand Martin Romualdez, ang pangunahing tagapagtaguyod ng Serbisyo Caravan, mismong ang “Anak ng Batangas” na si Finance Secretary Ralph Recto na dati ring kinatawan ng distrito ng Batangas ang nagsilbing punong abala sa BPSF sa 2-day event na ginanap sa Lipa City simula Sabado.
Dumalo rin sa event ang 143 mambabatas ng Kamara kabilang na si dating Pangulong Gloria Macapagal-Arroyo at Sen. Ramon “Bong” Revilla Jr., mga lokal at opisyal ng pamahalaan.
“Kailangan nang itayo ang mga Serbisyo at Tulong Center sa bawat lalawigan sa Pilipinas. Serbisyo ng gobyerno, direkta na sa tao, ito ang pangako ni Pangulong Marcos sa ating mga kababayan!” Ayon pa sa pinuno ng Kamara.
Ayon kay Romualdez, ito na ang ikalawang pagkakataon na nagtungo ang BPSF sa CALABARZON region na unang bumisita sa Sta. Cruz, Laguna noong Nobyembre 2023.
Ang BPSF Batangas ay ang ika-22 sa serye ng serbisyo fair na layong magtungo sa 82 mga lalawigan sa buong bansa upang ilapit ang tulong ng gobyerno ng “Mabilis, Maayos, Maginhawa at Masayang serbisyo publiko.”
Ang pagbubukas ng programa ay ginanap sa Aboitiz Pitch – Lima Park sa Lipa City noong Agosto 24, kung saan nagsilbing kinatawan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Speaker Romualdez.
Sa layuning isakatuparan ang pangako dalhin ang mas episyenteng serbisyo ng gobyerno sa mga tao, tampok sa BPSF Batangas ang pakikibahagi ng 50 ahensya ng pamahalaan na nag-bigay ng 209 na serbisyo sa mahigit 60,000 benepisyaryo.
Sa dalawang araw na event, nasa kabuuang P563 milyong halaga ng mga programa ang inilaan sa buong probinsya, kabilang na ang P265 milyon na cash assistance.
Pinangunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at Department of Labor and Employment (DOLE) ang pay-out ng tulong pinansyal sa 34,000 benepisyaryo sa lalawigan ng Batangas.
Sa loob lamang ng isang taon mula nang ilunsad ito, mahigit P10 bilyon halaga ng tulong na ang naipagkaloob sa 2.5 milyong pamilya sa nakalipas na 21 BPSFs.
Sa ilalim ng pamumuno ng administrasyong Marcos, na pinatatag pa ng suporta ng Kamara sa pamamagitan ni Speaker Romualdez, magpapatuloy ang BPSF hanggang sa mabisita ang nalalabing 60 na lalawigan.
Kinakatawan ng BPSF ang isang mekanismo ng pagkakaisa ng bawat sangay ng pamahalaan at ng buong-bansa tungo sa bansang maipagmamalaki ng bawat Filipino. Ang pagsisikap na ito ay nagpapatunay ng pangako ni Pangulong Marcos na tiyakin na walang Pilipino ang maiiiwan tungo sa hangaring pag-unlad ng Pilipinas.