3,318 total views
Naitala ng Bureau of Customs (BOC) ang pinakamataas na nakolekta sa loob ng isang araw.
Ayon sa adwana, April 28 ay nakakolekta ito ng P7.510 bilyon na mas mataas ng P1.436 bilyon o 23.64 porsyento sa dating rekord na P6.074 bilyon, na naitala noong Oktobre 14, 2022.
Nagpapasalamat naman si Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio sa mga kawani at stakeholder ng ahensya sa kanilang masigasig na pagtratrabaho na nagreresulta sa magandang performance ng BOC.
Noong Abril ay muling nalagpasan ng adwana ang kanilang target nitong makolekta.
Umabot ito sa P68.274 bilyon, mas mataas sa target nitong P68.199 bilyon.
Sinabi ni Rubio na sa unang apat na buwan ng taon ay nakakolekta na ang adwana ng P281.902 bilyon lagpas ng 6.29 porsyento o P16.682 bilyon sa target nitong P265.220 bilyon.
Mas mataas naman ito ng 10.89 porsyento sa nakolektang P254.226 bilyon sa unang apat na buwan ng 2022.
Ang mataas na koleksyon ay dulot ng magandang valuation sa mga non-oil importation, ayon sa Revenue Collection Monitoring Group – Financial Service ng BOC.
Ang kita ng BOC ang isa sa pinanggagalingan ng pondo na ginagamit ng gobyerno sa implementasyon ng mga programa at proyekto nito.
Kasabay ng mataas na koleksyon ay pinaigting din ng BOC ang kanilang pagbabantay laban sa mga produkto na iligal na ipinapasok sa bansa.
Kamakailan ay sinira ng BOC-Port of Zamboanga ang P1.439 bilyong smuggled na sigarilyo na sinasaksihan ng mga kinatawan ng BOC, Commission on Audit, lokal na pamahalaan, at iba pang ahensya ng gobyerno.
Tiniyak rin ni Rubio ang maigting na pagganap ng BOC sa tungkulin alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na higpitan ang mga border control measure sa bansa.