3,114 total views
Hindi pababayaan ng Panginoon ang sanlibutan mula sa anumang uri ng sakit at pandemya.
Ito ang mensahe ni Antipolo Bishop Ruperto Santos sa paggunita ng kapistahan ni San Roque tuwing August 16.
Ayon sa Obispo, sa pamamagitan ng Santo ay nahilom ang buong mundo mula sa suliranin ng COVID-19 pandemic.
“Sa pamamagitan ng aso na nagdadala ng pagkaing tinapay ka San Roque, ang Diyos ay magpapakilos upang ipadama na Siya ay hindi nagpapabaya. Ang Diyos ay hindi nang-iiwan, hindi Niya tayo tatalikuran, at sa oras ng ating pangangailangan ang Diyos ay naroroon upang tayo ay tulungan, ginawa niya ito kay San Roque, at tiyak na gagawin din Niya ito sa atin,” ayon sa pagninilay ni Bishop Santos.
Panghihimok ng Obispo sa mga mananampalataya ang pagpapaigting ng pananalangin sa Diyos sa anumang suliranin na maranasan higit na ang mga suliraning pangkalusugan.
Kasabay ito ng pinaigting na pananalangin kay San Roque upang patuloy na ipag-adya ang sanlibutan mula sa anumang banta ng sakit.
“Hindi tayo ang magpapahamak ng iba, hindi tayo ang magiging daan ng kanilang pagkadapa, hindi tayo ang magiging dahilan ng kanilang pagkakasala. Nanaisin pa natin na tayo na ang masaktan, kaysa tayo pa ang makasakit, gugustuhin pa natin na tayo ang lumuha kaysa tayo ang magiging sanhi ng kanilang pagdurusa,” ayon pa sa mensahe ng Obispo.
Si San Roque ay ang patron laban sa mga salot at pandemya na buong pusong ini-alay ang buhay sa paglilingkod sa kapwa at sa Diyos sa kabila ng paghihirap na dinaranas.