675 total views
Pinaalalahanan ng grupo ng mga guro ang mga mag-aaral, magulang at mga guro sa mga dapat na gawing paghahanda sa nalalapit na pagbabalik ng face-to-face classes sa pagbubukas ng klase sa Agosto.
Ayon kay Benjo Basas ng Teachers Dignity Coalition dulot na rin ng dalawang taong pag-iral ang on-line at modular maraming mga nakasanayan ang mga estudyante na kailangang isantabi at itama.
Kabilang na dito ayon kay Basas ang pagpupuyat, at pagsasawalang bahala sa modular activities na kalimitan ding magulang na ang sumasagot.
Nawa ayon kay Basas ay balikan ng mga mag-aaral ang pagiging independent sa pag-aaral, at pakikipagkapwa o social skills at learning habits.
“Mayroon kasi tayong mga na-acquire na habits na those are bad habits, na pag-rely masyado doon sa nanay, sa tatay or sa mga kapatid na pag-rely para maka-comply nung requirements, those are bad habits,” ayon sa panayam ng Radio Veritas kay Basa.
Ayon pa kay Basa, dapat ding patibayin ng Department of Education at mga guro ang kasanayan at kakayahan ng mga estudyante sa paggamit ng mga aklat at magpagkakatiwalaang online sources sa halip na gamiting batayan ang social media kabilang na ang TikTok at YouTube.
Paalala din ni Basa sa mga paaralan na patuloy na ipatupad ang minimum health protocols ng hindi isinasakripisyo ang kalidad ng edukasyon at kaligtasan ng bawat isa mula sa banta ng virus.
Sa datos ng DepEd, aabot sa 48-libo ang mga pampublikong paaralan, habang may mahigit 13-libo naman ang mga pribadong paaralan sa bansa.