92,632 total views
Mga Kapanalig, madalas gamitin ang Efeso 5:22-24 para pangatwiranan ang pagpapasailalim ng mga babae sa kanilang asawa.
Ganito ang mababasa natin: “Mga babae, pasakop kayo sa sarili ninyong asawa tulad ng pagpapasakop ninyo sa Panginoon. Sapagkat ang lalaki ang ulo ng kanyang asawa, tulad ni Kristo na siyang ulo ng iglesya… Kung paanong nasasakop ni Kristo ang iglesya, gayundin naman, ang mga babae ay dapat pasakop nang lubusan sa kanilang sariling asawa.”
Hindi na natin tatalakayin dito ang iba’t ibang pakahulugan sa tekstong ito mula sa Banal na Kasulatan. Pero tandaan nating bagamat hindi matingkad sa Bibliya ang modernong tema ng pagkakapantay ng lalaki at babae, hindi ito nangangahulugang mas mataas ang lalaki kaysa sa babae. Ang mag-asawang lalaki at babae ay magkatuwang, magkaagapay, magkatulong—complementary sa Ingles. Kaya sa sakramento ng kasal, ipinagdiriwang natin ang pagkumpleto nila sa isa’t isa. Iisa na sila. Sa wikang Filipino nga, ang kasal ay tinatawag ding “pag-iisang dibdib”, hindi po ba? Hindi ito tungkol sa kung sino ang mas mataas o mas mababa o kung sino ang may mas may kontrol sa isa.
Kaya ang sabihing dapat magpasakop ang asawang babae sa asawang lalaki ay baluktot. Lantarang pagbabalewala ito sa dignidad ng isa sa mag-asawa, lalo na ng babae. Ang nakalulungkot, laganap ang ganitong pananaw sa ating lipunan. Pati mga lider natin, ganito may ganitong pagtingin sa mga babaeng asawa.
Narinig natin ito sa senado kamakailan. Dinidinig noon ng Senate Committee on Public Information and Mass Media ang isang kaso ng diumano’y sexual harassment sa industriya ng showbiz. Sinabi ng family lawyer at women’s rights advocate na si Atty Lorna Kapunan na ang rape ay maaaring mangyari kahit sa mag-asawa. Rape ang nangyayari kapag pinupuwersa ni mister si misis na makipagtalik sa kanya.
Napatanong tuloy si Senador Robin Padilla. Hindi na raw ba totoo ang sinasabing “obligasyon ng asawa na babae o lalaki na kapag humiling [na makipagtalik] ang asawang lalaki o babae [ay] dapat pagbigyan”? Sinundan pa ito ng mga salitang nagpapahiwatig na ang mga asawa ay nariyan para paglingkuran ang kanilang kabiyak. “Nandyan asawa mo to serve you,” aniya. Tinanong pa niya kung anong dapat sabihin sa asawang ayaw sundin ang kagustuhan ng kanyang asawa para hindi siya masampahan ng reklamo.
Nilinaw ni Atty Kapunan na kahit sa umiiral na family code, hindi obligasyon ng isa sa mag-asawa na paglingkuran ang kanilang kapareha. Wala roong “obligation of obedience” dahil, dagdag ng adogado, mahalaga sa mag-asawa ang mutual respect o paggalang ng mag-asawa sa isa’t isa. Kung ayaw makipagtalik ni misis, halimbawa, dapat itong respetuhin ni mister. Kung hindi ito igagalang at kung pipilitin ni mister si misis, marital rape ang tawag dito.
Nalihis man sa ibang paksa ang pagdinig na iyon ng senado, naging usap-usapan ang kahalagahan ng paggalang ng mag-asawa sa isa’t isa. Nawawala ang paggalang na ito kapag ang tingin ng isa sa kanila sa kanyang asawa ay tagapagsilbi lamang o tagapagbigay ng gusto ng isa. Ipinapaalala sa Catholic social teaching na Gaudium et Spes: “The actions within marriage by which the couple are united intimately and chastely are noble and worthy ones.” Ang mga ginagawa sa loob ng kasal, kung saan ang mag-asawa ay nagkakaisa nang malapít at malinis ay marangal at karapat-dapat. Kung ginagawa ang mga ito ng mag-asawa nang may pagkilala sa pagkatao ng isa’t isa, kapwa sila nagbibigay ng kanilang sarili nang may kagalakan at handang kalooban.
Mga Kapanalig, humingi na si Senador Padilla ng paumanhin kung may nasaktan sa kanyang mga sinabi. Maging paalala rin sana ito lalo na sa mga haligi ng tahanan.