375 total views
May paalala ang grupo ng mga Psychologist sa mga indibidwal na nakakaranas ng depression o labis na pagkalungkot matapos mawalan ng mahal sa buhay dahil sa pandemya.
Ayon kay Ms. Tosca Bernardino ng ChildFam Possibilities, nakakabahala ang pinagdadaanan ng mga nakakaranas ng kalungkutan dahil sa biglaang pagpanaw ng kanilang mga mahal sa buhay lalo na’t patuloy ang banta ng Covid19.
Gayunman, sinabi ni Ms. Bernardino na may mga paraan o hakbang upang unti-unting makabangon mula sa pagkalumbay o matinding depresyon ang mga apektado ng pagpanaw ng kanilang mahal sa buhay.
“Nakakatulong na ma-verbalize ito at mahalaga na meron tayong outlet o paraan para makapaglabas ng emosyon, maari natin gawin ang ating hobbies… normal naman na makaramdam ng lungkot sa ganitong pangyayari pero ang mahalaga at ang critical ay kung paano natin tutulungan ang sarili na mag-recover at mag-move forward bigyan natin ng oras ang sarili natin na maging okay kung hindi man pa talaga irespeto mo din ang pacing mo paunti-unti para maging maayos ang pakiramdam mo.”payo ni Bernardino.
Sinabi ni Bernardino na ‘Acceptance’ o pagtanggap sa pangyayari ang magiging panungahing susi upang gumaan ng pa-unti unti ang emosyon ng isang nawalan ng mahal sa buhay.
“Mahirap kung sinasarili natin, kumbaga yun extra-baggage na sinasabi ng iba. Kaya yun pagtanggap nito ay isang malaking hakbang para maka recover at mag-move on”pahayag ni Bernardino.
Pinaalalahan din ni Bernardino ang mga nais naman na magpahayag ng suporta o pakikidalamhati na iwasan ang paggamit ng mga salita o payo na maaring maka-apekto sa emosyon ng isang nagluluksa.
Batay sa datos ng Department of Health, umabot na sa 18, 472 ang bilang ng mga namamatay dahil sa Covid19 o katumbas ng 1.68 percent ng kabuuang bilang ng mga nagpositibo sa Pilipinas.
Sa buong mundo ay tinatayang nasa mahigit 3.3 Million na indibidwal naman ang namatay dahil sa pandemya kung saan pinakamarami pa rin dito ay mula sa Estados Unidos, Brazil at India.