501 total views
Mga Kapanalig, isa sa mga pinakapinalakpakan noong ikatlong State of the Nation Address (o SONA) ni Pangulong BBM ang pagbabawal sa Philippine offshore gaming operations (o POGO). Sangkot daw ang mga ito sa mga ilegal na gawaing walang kinalaman sa paglalaro o pagsusugal. Naging instrumento na rin daw ang mga POGO ng scamming, money laundering, prostitusyon, human trafficking, kidnapping, torture, at maging pagpatay.
Sa pamamagitan ng Executive Order No. 74, na nilagdaan ng presidente dalawang Martes na ang nakalilipas, opisyal na ang ban sa POGO. Naging batayan ng naturang kautusan ang resulta ng pag-aaral na ginawa ng Department of Finance (o DOF). Ayon sa kagawaran, mas mabigat at mas marami ang mga panganib at negatibong epekto ng POGO kaysa sa mga sinasabing pakinabang natin sa mga ito gaya ng dagdag na buwis at trabaho para sa ating mga kababayan. Nauugnay na ang POGO sa pagtaas ng bilang ng krimen at pananamantala sa mga mahihina, gaya ng mga desperadong magkaroon ng trabaho.
Dagdag naman ng Anti-Money Laundering Council, panganib ang dala ng POGO sa integridad ng ating “national financial system.” Gaya na rin ng sinabi ni PBBM sa kanyang SONA, kadikit na ng POGO ang money laundering o pagtatago ng perang nakuha mula sa ilegal na paraan o krimen. Nagagamit na rin ang mga ito sa panloloko o fraud gaya ng scamming.
Magandang hakbang ang ginawang ito ng administrasyon. Patunay din ito ng paninindigan nito laban sa isang industriyang sinimulan, ipinagmamalaki, at ipinagtatanggol ng sinundan nitong administrasyon. Gaya kasi ng sinabi noon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, malinis ang mga POGO. Umabot nga sa 300 ang mga POGO facilities sa ating bansa, dahil na rin sa pagiging magiliw ng nakaraang administrasyon sa mga dayuhang ang pangunahing layunin pala ay dalhin dito ang mga negosyong ilegal sa kanilang bansa. Nagbigay din daw ang mga POGO ng trabaho at nag-ambag sa ating ekonomiya sa harap ng hamong dala ng COVID-19 pandemic.
Mabuti at nakita ng kasalukuyang gobyerno na mas malaking problema ang hatid ng POGO sa ating bansa. Ngayon, aabangan natin kung tuluyan na ngang mawawala ang mga ito bago pumasok ang bagong taon. Ito kasi ang deadline na itinakda ng EO. Isa ring positibong probisyon ng EO 74 (na sana ay tunay na maipatupad) ay ang pagtulong sa mga kababayan nating mawawalan ng hanapbuhay dahil sa pagpapasara sa mga POGO. May itatayong Technical Working Group on Employment Recovery and Reintegration na mag-iisip ng mga paraan para ayudahan ang mga tinatawag na displaced workers. Para mahanapan sila ng trabaho, aalukin silang sumailalim sa mga “upskilling and reskilling programs” para makahanap sila ng bagong trabaho. Dapat tiyaking mas magandang alternatibo ang mga ito kaysa sa pagtatrabaho sa POGO.Bantayan natin ang planong ito ng gobyerno.
Sa mga panlipunang turo ng ating Simbahan, laging binibigyang-diin ang kahalagahan ng pagtiyak na ang ekonomiya ng isang bansa ay dapat na naglilingkod sa mga tao. Sa Ingles, “the economy must serve people.” Hindi dapat ang kabaligtaran nito ang nangyayari. Hindi dapat pumapangalawa—kundi man lubusang binabalewala—ang dignidad ng mga trabahador para lamang magpatuloy ang mga negosyong nag-aambag sa ekonomiya. Sa mga natuklasan ng ating kinauukulan sa mga sinalakay na POGO sa iba’t ibang lugar sa bansa, malinaw na pera—hindi ang tao—ang habol ng mga operators, kasama na ang mga kasabwat nila sa pamahalaan.
Mga Kapanalig, napaalalahanan tayo ng winika sa Jeremias 22:13 sa sinapit ng mga POGO: “Kahabag-habag ang magiging wakas ng taong nagtatayo ng kanyang bahay sa pamamagitan ng pandaraya, at naglalagay ng mga silid dito sa pamamagitan ng panlilinlang.” Totoo nga sanang mawala na ang POGO.
Sumainyo ang katotohanan.