742 total views
Mga Kapanalig, tuwing dumarating ang Pasko, hindi magkandaugaga ang marami sa atin sa pamimili ng mga panregalo, mga dekorasyon sa bahay, at mga pagkaing ihahanda o iaambag sa Christmas party. Dahil dito, tayo na rin ang nagdudulot ng malaking abala at pagpapahirap sa ating mga sarili sa pagbibiyahe nang matagal dahil sa trapik; sa paghahanap ng mapaparadahan sa mga kalye o parking lot na puno ng sasakyan; sa paghihintay sa mahabang pila para makasakay ng jeep o taxi, o para magbayad para sa mga naipamili sa mga mall at supermarket. Tila hindi maiwasan ng mga taong bumili ng kung anu-ano, basta’t mayroong pambili. Para naman sa mga walang tiyagang bumiyahe at pumila, nariyan naman ang pamimili sa pamamagitan ng internet—mas maginhawa, walang pila, maraming mapagpipilian, at mura pa. Gayunpaman, ang pagbili ng mga bagay-bagay para sa sarili at sa iba ay naging pangunahing palatandaan ng ating pagdiriwang ng kapanahunang ito.
Bakit kaya naniniwala tayong mas naibabahagi at nararamdaman ang diwa ng Pasko sa pamamagitan ng mga regalong materyal? Siguro natural namang nagbibigay-saya sa sinuman ang makatanggap ng regalo. Subalit kailan nagiging mapanirà ang umasa sa mga materyal na bagay upang magbigay kasiyahan, hindi lamang tuwing Pasko, kundi bilang bahagi ng pang-araw-araw na buhay?
Mga Kapanalig, ayon sa ating Simbahan, ang konsumerismo ay nagpapalaganap ng isang uri ng pananaw sa buhay na nakatuon sa kung ano ang mayroon tayo kaysa sa kung ano o sino tayo; “having rather than being,” ‘ika nga sa Ingles. Ang pagtuturing sa mga tao batay sa kung ano ang mayroon sila sa buhay kaysa sa kung ano ang kanilang pagkatao ay tila naging bahagi na ng ating kultura at pamumuhay. Sinu-sino nga ba ang tinitingala o nirerespeto sa ating lipunan? Hindi ba’t ang mga maykaya o mayayaman, ang mga nasa mataas na posisyon at may kapangyarihan? Mataas pa nga rin ang tingin ng marami sa atin kahit nga sa mga taong gumawa ng katiwalian o krimen, sapagka’t sila at may kaya sa buhay, may posisyon, may edukasyon—‘ika nga, may sinasabi sa buhay o may sinasabi sa lipunan.
Tumagós na ang konsumerismo sa maraming aspeto ng ating buhay, pati na sa ating paghihintay sa pagdating ng Pasko, sa ating paggunita at pagbubunyi sa pagkakatawang-tao ng ating Panginoon. Bagamat ang pagdating Niya sa mundo ay naganap sa pinakaabá at pinakasimpleng paraan—sa isang sabsaban na pinapaligiran ng mga hayop—kabaligtaran ang ginagawa nating paraan ng pagdiriwang ng Kanyang kapanganakan. Pinapaligiran natin ang ating sarili ng kasaganahan, ng maraming ilaw at palamuti, ng maraming pagkain, ng kaliwa’t kanang pagpapalitan ng regalo.
Upang labanan ang konsumerismo, itinuturo sa atin ng Simbahang lumikha tayo ng uri ng pamumuhay o lifestyle kung saan ang paghahanap sa katotohanan, kabutihan, at pakikipagkaisa sa kapwa para sa sama-samang pag-unlad ang siyang nagtatakda kung ano mga bagay na ating bibilhin at tatangkilikin. Halimbawa, kailangan ba natin talagang bumili? At kung bibili ng isang bagay, makabubuti ba ito hindi lang sa taong pagbibigyan, kundi sa kapakanan ng iba, pati ng kapaligiran? Inaaamin ng ating Simbahang napakalaki ng hamon sa pagbabago ng kultura at nakagawian ng mga tao, subalit saan nga ba magsisimula ang pagbabago kundi sa maliliit na pagbabago ng ugali ng bawat isa sa atin.
Mga Kapanalig, kaya ba nating labanan—o bawasan man lang—ang konsumerismo sa ating pag-aabang sa pagdating ng ating Panginoon? Kaya ba nating gawing simple ang mga pagdiriwang, na gawing makahulugan ang pagpapakita ng pagmamahal at pasasalamat? Kaya ba nating bawasan ang konsumerismo, at sa halip ay dagdagan ang respeto sa kapwa, lalo na sa mga mahihirap, sa ating pang-araw-araw na buhay? Pagnilayan po natin ito, mga Kapanalig.
Sumainyo ang katotohanan.