475 total views
Pakinggan ang panawagan ng mga jeepney driver na labis ng naapektuhan ng pandemya.
Ito ang isa sa apela ni Alliance of Transport Operators and Drivers Association of the Philippines (ALTODAP) President Melencio ‘Boy’ Vargas sa pamahalaan sa pilot-testing ng pagtataas sa 70% seating capacity ng mga Public Utility Vehicles (PUV) mula sa kasalukuyang 50% sa National Capital Region (NCR) at karatig lalawigan sa ika-4 ng Nobyembre 2021.
Bukod sa pagtaas ng seating capacity ay iginigiit din ng ALTODAP at iba pang jeepney groups ang fare hike at tulong pinansiyal bukod sa ipapamahaging fuel subsidy sa mga tsuper ng pampasaherong jeep.
“Ako doon sa sinasabi namin na 70% mag-iistart yung 70% ng November 04, pero hindi lang yan hinihiling namin para yung sa tungkol don sa pera eh iaatras namin, patuloy yan, tatlong aspeto yan…ang una diyan na yung 100% full capacity, pagkatapos may subsidy bukod pa yung fuel subsidy,” ayon kay Vargas sa kaniyang panayam sa Radio Veritas.
Pinangangambahan ni Vargas na ginagamit ng pamahalaan ang pandemya upang isulong ang total phase out ng mga traditional jeepneys alinsunod sa Public Utility Vehicle Modernization (PUVM) ng gobyerno.
“Yun ang isang ipinagtataka namin, parang ginamit nila itong pandemic sa mga traditional jeep na sinasabi nilang parang gusto na talaga nilang alisin, yun ang isang masakit sa amin sa traditional jeep. Unang-una yung mga ruta ng jeep ay pinapasok na ng bus”.pahayag ni Vargas.
Isinusulong din ng ALTODAP na makabalik sila sa nakagawiang ruta dahil sa bagong ruta ay walang pasaherong sumasakay.
“Bigyan kita ng example, sa Antipolo-Cubao pinasok ng bus yan,yung linya namin diyan inilihis kami- yung via sumulong . Binuksan nga yung Antipolo-Cubao pero hindi diyan pinadaan, sa Imelda avenue, ano namang makukuha naming pasahero doon”.ayon kay Vargas.
Binigyang diin din ni Vargas ang kaniyang panawagan sa pamahalaan na isipin ang kapakanan at ikinabubuhay ng mga jeepney drivers at operators bunsod ng pagkalugi nararanasan ng dahil sa COVID-19 Pandemic.
Upang matulungan ang sektor sa Metro Manila na makasabay sa isinusulong na jeep moderinization ng pamahalaan ay una ng inilunsad ng Caritas Manila ang pagsasangkot sa ilang mga PUJ drivers upang maging miyembro ng Caritas Salve na itinalagang kooperatiba ng Social arm ng Archdiocese of Manila para sa mga mga jeepney drivers.