334 total views
Bisperas ng kaarawan ng Mahal na Birheng Maria matapos manalangin bumati si Andrei ng "Happy birthday, Mama Mary!" sabay sabi sa kanyang mommy: "Bibili ko sana siya ng cake pero paano ako mapupunta sa langit?"
Tunay ang sinabi ng Panginoon noong dati: mula sa mga labi ng bata nahahabi karunungang walang pagkukunwari; pawang katotohanan kay dali nilang bitiwan nakakatuwa dahil puno ng karunungan tila bugtong na palaisipan.
Madali namang malaman kasagutan sa kanilang mga tanong ngunit bakit nga ba ganoon sa pagkakaroon ng gulang ng taon, kamusmusan nati'y nawawala, napapalitan ng pagmamaang-maangan kunwa'y hindi alam pangunahing kaalaman sa buhay.
Katulad ng paano nga ba pumunta sa langit? Hindi natin masambit gayong palagi nating nilulungating masapit dahil mayroong pagsusulit at baka tayo sumabit kaya hangga't maari sa kasalukuyang buhay kumakapit.
Paano nga ba pumunta sa langit? Hindi ka naman mamatay daglit Ngunit ang turo ni Hesus palagi niyang sambit, limutin ang sarili, pasanin ating krus kada araw at sa Kanya'y sumunod - papuntang langit!