55,481 total views
Mga Kapanalig, may misteryong sinusubukang lutasin ang ating mga senador habang dinidinig nila ang isyu ng mga Philippine Offshore Gaming Operators (o POGO) sa Pilipinas, partikular na sa probinsya ng Tarlac.
Iniuugnay kasi sa mga ito ang alkalde ng bayan ng Bamban, Tarlac na si Mayor Alice Leal Guo. Nasa kanyang bayan kasi ang tatlong POGO na nagsasagawa diumano ng paniniktik o surveillance activities, kasama ang pag-hack sa mga government websites. Nangangamba si Senate Deputy Minority Leader Risa Hontiveros na ginagamit ang mga POGO upang tiktikan ng mga dayuhan ang ating bansa, at malaking banta ito sa ating seguridad.
Dumadagdag sa pangambang ito ang mga ugong-ugong na hindi tunay na Pilipino si Mayor Guo. Sa kanyang birth certificate, Pilipino raw ang kanyang tatay. Sa mga dokumento sa kanilang negosyo, Chinese naman. Ayon sa alkalde, half-Filipino at half-Chinese ang kanyang ama.
Hindi rin niya masagot ang tanong kung saan siya ipinanganak. Ipinagtataka rin ang petsa ng registration ng kanyang pagsilang. Ipinanganak siya noong 1986 pero umabot ng 17 taon bago siya ikinuha ng birth certificate.
Tungkol naman sa kanyang pag-aaral, ipinaliwanag ng alkalde na nag-homeschool siya. Hindi siya pumasok sa paaralan kaya wala siyang school records. Hindi rin daw siya nagkolehiyo. Gayunman, hindi maalala ni Mayor Guo kung sino ang kanyang homeschool provider.
Sa pagsasaliksik daw na ginawa ng opisina ni Senador Hontiveros, mismong mga taga-Bamban ang nagsabing bigla na lang daw lumutang ang pangalan ni Mayor Guo noong nakaraang eleksyon. Sa kabila nito, nakakuha siya ng mahigit 16,000 na boto at naging unang babaeng mayor ng Bamban.
Hindi kaya ito ang mas nakababahala? Nanalo ang isang kandidato kahit hindi siya lubos na kilala ng mga botante sa isang maliit na bayan. Nakuha niya ang boto—at tiwala—ng mga tagaroon kahit walang mga public records na nagpapatunay ng kanyang pagiging mamamayan ng Pilipinas.
O baka nanalo siya dahil iniugnay ng mga tao sa kanya ang sa tingin nila ay pag-unlad ng Bamban. Salamat sa mga POGO roon. Sinasabi ring nakatulong sa positibo niyang imahe ang pamimigay ni Mayor Guo bago tumakbo sa pulitika ng cake sa mga senior citizen at ng bulaklak para makiramay sa mga namatayan. Saan man nanggaling ang perang ginamit niya para simulan ang mga negosyong ito at mamigay sa mga tao, baka pinipili pala talaga ng mga botante ang “mabait”, “mapagmalasakit”, at “may magandang-loob” kahit “bagong sulpot” sa kanilang lugar ang isang kandidato.
Sa isang banda, hindi natin masisisi ang mga taga-Bamban kung naging mas matimbang para sa kanila ang mga ganitong ginawa ni Mayor Guo. Baka ngayon lang nila iyon naranasan. Sa kabilang banda, sinasalamin nito ang pananaw ng mga tao sa pulitika, na makikita naman sa kung paano bumuboto ang mga botante. Talo ng personalidad ang pagkakaroon ng malinaw na programa. Talo ng magandang imahe ang pagkakaroon ng integridad. Talo ng pagiging sikat ang pagkakaroon ng malinis na hangarin.
Mga hamon ito sa pulitika at hindi madaling harapin ang mga ito, lalo na kung gusto nating makamit ang sinabi ni Pope Francis na “a better kind of politics.” Ang ganitong pulitika raw ay tunay na naglilingkod para sa kabutihang panlahat o common good. Hindi ito makakamit kung ang interes at imahe ng pulitko ang nangingibabaw sa pulitika, at mas malala pa kung may kasama itong panloloko at panlilinlang. “Walang pamahalaang hindi mula sa Diyos,” wika nga sa Roma 13:1, kaya hindi dapat ito hayaang gamitin sa maling paraan.
Mga Kapanalig, hindi malayong nangyayari sa ibang panig ng bansa ang nangyayari sa Bamban, Tarlac. Sa inyong bayan, paano kayo bumoto? Tingnan ang mga nakaupo ngayon sa puwesto.
Sumainyo ang Katotohanan.