426 total views
Inihayag ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Catechesis and Catholic Education na tungkulin ng pamahalaan na mailagay sa wastong mga programa ang pondo na mula sa taumbayan.
Ayon kay San Jose Nueva Ecija Bishop Roberto Mallari ang chairman ng komisyon, dapat tiyakin ng pamahalaan na bawat proyekto ay makatutulong sa ekonomiya, edukasyon, pagpapababa ng kahirapan, kapayapaan at may pakinabang ang mamamayan sa pangkabuuan.
“We agree, it is the mandate of the government to ensure that public investment goes back to the interest of public welfare,” pahayag ni Bishop Mallari sa Radio Veritas.
Ang pahayag ng obispo ay kaugnay sa paratang ng gobyerno laban sa mga state-run na mga unibersidad na iniugnay sa makakaliwang grupo at tila naging banta at kaaway ng estado.
Giit ni Bishop Mallari kaakibat ng tungkulin ng pamahalaan ang pagtulong sa sektor ng kabataan lalo na ang pagbibigay ng libreng edukasyon.
“It is likewise the mandate of the government to ensure that people, especially the youth gets significant access to education in order to succeed in life and participate rightfully in global integration,” ani ng Obispo.
Sa pahayag ni Student Regent Ron Cervantes ng Polytechnic University of the Philippines (PUP) pinuna nito ang red-tagging ng gobyerno sa ilang unibersidad at institusyon sa bansa kasabay ng panawagang taasan ang pondong ilalaan sa edukasyon ng mamamayan.
Noong Oktubre kabilang sa mga pinangalanang institusyon na iniugnay sa rebeldeng grupo ang University of the Philippines (UP) Diliman at Manila, Ateneo de Manila University (ADMU), University of Santo Tomas (UST), De La Salle University (DLSU), Polytechnic University of the Philippines (PUP), Adamson University (AdU), Far Eastern University (FEU), University of the East (UE) Recto at Caloocan, Emilio Aguinaldo College (EAC), Eulogio Amang Rodriguez Institute of Science and Technology (EARIST), San Beda University, Lyceum of the Philippines University (LPU), University of Makati (UMak), University of Caloocan, University of Manila, at Philippine Normal University (PNU).
MAGTULUNGAN SA PAGHUBOG NG MGA KABATAAN
Binigyang diin ni Bishop Mallari na magkaisa ang bawat sektor sa paggabay sa mga kabataan upang maging mabuting mamamayan ng lipunan at may paggalang sa bayan.
“It is through the best efforts of the government, the church, the families and the society to contribute together to mold a child inside and outside the school and make sure that we are producing individuals who can sustain our aspirations for our beloved nation.”
Kasabay nito ang panawagang taasan ang alokasyon ng gobyerno sa sektor ng edukasyon upang matiyak ang pag-aaral ng mga kabataan partikular ang mga mahihirap na walang sapat na kakayahang pinansyal.
Ibinahagi ng Commission on Higher Education (CHED) na sa 2020 may 40.78 bilyong piso lamang ang nakalaan para sa ahensya mas mababa ng 22 porsyento kumpara sa higit 50 bilyong piso ngayong taon.
Pinakamalaking nabawasan dito ay ang Universal Access to Quality Tertiary Education program ng ahensya na 7 bilyong piso at ang student financial assistance program sa 3.65 bilyong piso.
Sa huli ay ay hinimok ni Bishop Mallari ang mamamayan na bigyang pagkakataon ang pamahalaan na ipatupad ang mga programang kapaki-pakinabang sa bawat Filipino.
“Let us give the government a chance to do its mandate and support the building of a just and humane society,” saad pa ni Bishop Mallari.