452 total views
Kapanalig, mainit ang usaping pabahay sa ating bansa ngayon. Naging mapanghati o divisive pa nga ang isyu na ito matapos okupahin ng KADAMAY ang isang relocation site sa Bulacan.
Ano nga ba ang estado ng housing o pabahay sa ating bansa?
Alam natin kapanalig na mahal ang pabahay sa ating bansa, lalo na kung ito ay nasa mga Urban areas. Ayon sa Subdivision and Housing Developers’ Association (SHDA), nasa 5.5 million ang housing backlog sa bansa, at tataas pa ito dahil sa pagtaas na rin ng populasyon.
Ayon naman sa survey ng National Housing Authority noong 2011, mga 1.5 million ang mga informal settlers sa bansa, at mahigit pa sa kalahati nito ay nakatira sa mga mga mapanganib na lugar. Ayon nga kay Bise Presidente noong sya pa ang housing chair, kailangan nating magtayo ng mga 2,602 na tahanan kada araw sa loob ng anim na tao upang mapunan ang backlog.
Paano ba natin matutulungan magkabahay ang maralitang Pilipino?
Kapanalig, ang Community Mortgage Program (CMP) ay isa pang paraan upang magkabahay ang mga informal settlers. Ang programang ito ay isang financing scheme kung saan ang mga residente ay ino-organisa upang sila ay makahanap ng pondo upang makabili ng lupa at bahay. Kaya nga lamang, ayon sa isang pag-aaral na ginawa ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS), may mga kahinaan ang CMP na nagiging hadlang para magkabahay ang maralitang Pilipino.
Unang-una, ang pondo ng CMP ay accessible lamang sa mga community associations. Sa mga Urban areas, kadalasang hindi kaya ng pondo ang presyo ng lupa. Kailangan ngayon maghanap pa ng mga miyembro ng karagdagang halaga upang sagutin ang housing equity. Kung walang maibibigay ang kasapi nila, baka hindi na ito makasali. Kung makautang man, dagdag na problema pa ito sa kanila.
Hindi rin lahat ng community associations ay kaya magproduce o maglabas ng malaking pondo, kaya’t nabibinbin din ang kanilang pabahay. Mahirap ito para sa marami. Kung malampasan nila ang unang balakid na ito, haharapin naman nila ang matagal na proseso ng approval, kasama na ang proseso ng paghahanap ng relocation site at pag-pagawa ng matitirhan.
Kapanalig, ang pagkakaroon ng bahay ay isang mailap na pangarap. Napakasakit na ito ay nanatiling pangarap na lamang kahit pa ito ay isa sa mga batayang pangangailangan at karapatan ng tao. Tila maraming pwersa ang nagsasanib upang hindi matuloy o maging realidad ang pangarap na ito ng maraming Pilipino. At ang pinakamalaking pwersa dito ay pera: pambili ng lupa at bahay, na sa pag-gulong ng oras, ay lalo pang nagmamahal.
Ayon mismo kay St. Pope John Paul II, ang Simbahan ay nakiki-isa sa sa maralita at may obligasyon na tumulong sa paghahanap ng mga kongkretong solusyon sa problema ng pabahay at upang masiguro na ang estado ay nagbibigay ng sapat na atensyon sa mga walang matirhan.
Dasal natin kapanalig, na tayong lahat ay magising na. Kung tayo ay tunay na Kristyanong katoliko, ang mga suliranin ng maralita ay dapat nating iprayoridad din. Makita sana natin na lahat tayo ay nakataya at may obligasyon sa usaping pabahay ng bansa. Ito ay nagiging isang malaking trahedya na. Kailangan na natin itong agarang harapin.
Pope Paul II, Letter to Pontifical Commission Justitia et Pax , December 8,1987.