316 total views
Kapanalig, pagdating sa pabahay, marami pa ang hahabulin ng pamahalaan upang matiyak na may tahanan ang bawat pamilya. Sa ngayon nga, umaabot na ng mga 6.8 million ang housing backlog sa bansa. Malaking pagkukulang ito kapanalig – ang tahanan ang unang “refuge” o kanlungan ng tao, at ang kawalan nito ay nangangahulugan ng exposure o pagkalantad sa iba’t ibang panganib.
Kailan nga ba magiging sapat at abot kaya ang pabahay sa Pilipinas? Bakit nga ba sa halip na maging mas abot kaya ang pabahay sa bansa, mas nagiging mailap pa ito sa mga Filipino?
Nitong panahon ng pandemic, hindi lamang ang budget sa pagkain ang naapektuhan. Pati ang budget para sa pabahay ng mga Filipino, nakaltasan na rin. Marami kasi ang nawalan ng trabaho o nabawasan ang oras sa trabaho. Kasabay ng kawalan ng trabaho ay ang pagtaas ng halaga ng construction materials sunod ang presyo ng pabahay. Kaya kahit socialized housing, lumayo pa sa kamay ng mga ordinaryong mamamayan.
Medyo kulang din ang government support para sa pabahay. Kapag titingnan ang kabuuang budget ng bayan, napakaliit ang bahagi o share ng socialized housing. Mula 2016 hanggang 2020, nasa 0.2% hanggang 0.50% lamang ang bahagi nito sa public expenditures ng bayan. Noong 2021, naging 0.16% na lamang ito.
Makikita rin na kumokonti ang mga HLURB-approved na housing units for sale. Simula 2017 kung kailan may license to sell ang 140,000 house and lots, bumagsak ito sa 95,970 noong 2018. Bumagsak din ang dami ng license to sell para sa low-cost condo mula 104,196 units noong 2017 tungo sa 91,611 units noong 2018.
Ang access to finance din ay isa sa mga hadlang sa pabahay ng madla. Mahihirapan kang kumuha ng housing loan kung maliit ang kita mo. Kung makapasa ka man sa loan application, mabigat para sa marami ang monthly payments. Kaya hindi nakakapagtaka na marami ngayon ang nagpapa-salo na lamang ng bahay. Ibinebenta na nila ang mga nautang bahay, umaasa na lang na maibabalik ang kanilang inisyal na puhunan.
Kapanalig, kung tunay nating pinahahalagahan ang dignidad ng bawat isa, ang housing o pabahay ay magiging pangunahing prayoridad ng ating bansa. Sabi nga ni Pope Francis noong siya ay bumisita sa Washington DC noong 2015: “Let me be clear. There is no social or moral justification, no justification whatsoever, for the lack of housing.”
Ang kawalan ng pabahay ay simbolo ng pagkukulang ng lipunan, ayon sa Sollicitudo Rei Socialis. Ipinakikita nito na malayo pa tayo sa ating layunin na “authentic development of peoples.”
Sumainyo ang Katotohanan.