102,249 total views
Ang problema ng tirahan, lalo na ang affordable housing, ay isa sa mga pangunahing hamon na kinakaharap ng maraming Pilipino sa kasalukuyan. Marami ngang mga kababayan natin, kapag nakakita ng magandang bahay, o kahit simpleng bahay pa nga lang, “sana all” ang nasasabi. Sa pag-usad kasi ng panahon, ang pabahay, kahit simple pa nga, ay hindi kayang bilhin ng maraming Pilipino. Hindi kasi naitutugma ng ating lipunan ang pangangailangan ng mamamayan sa kakayahan nilang abutin ang mga pangangailangan na ito. Ibig sabihin nito kapanalig, na kahit bagsak presyo na ang isang uri ng pabahay sa pananaw ng private sector at ng pamahalaan, hindi pa rin kaya ito ng maraming maralitang Filipino. Hindi tugma ang kita tao sa presyo ng pabahay, o kahit pa nga sa iba pa nilang ng basic necessity.
Marahil may nagtatanong na bakit ba hindi makabili ang maraming mga Filipino kahit simpleng bahay lang, gayong tumataas naman ang employment rate– mas marami na ang may trabaho. Nasa 95.8% ang employment rate ng bansa, at pinakamataas na ito mula April 2005. Kaya lamang kapanalig, ang pagkakaroon ng trabaho ay hindi kasi garantiya na makaka-avail ka na o makakayanan mo nang bayaran ang housing sa ating bansa.
Unang una, superficial ang ganitong pananaw. Maliban sa employment rate, kailangan din nating tingnan kung sapat ang sweldo ng karamihan para sa kanilang basic necessities, at kasama na rito ang pabahay. Sa katunayan, nasa 11% ang underemployment rate sa bansa. Katumbas ito ng 5.6 milyong katao na nagnanais pa ng dagdag oras sa trabaho o karagdagang sweldo.
Pangalawa, kahit full time pa ang trabaho ng maraming Pilipino, ang sweldo naman ay kapos. Ang minimum wage kapanalig, ay nasa mga P610 lamang kada araw, kung susumahin sa isang buwan, di kasama ang sabado at linggo, mahigit 13K ang kikitain ng manggagawa. Marahil, sapat ito para sa isang single Filipino, tipid tipid lang, para makabayad sa renta, sa kuryente, pati pamasahe. Pero sa karaniwang Pilipino na may dalawa o tatlong anak, o kahit pa nga isa, ang hirap na pagkasyahin ito. Mahirap na isingit dyan ang gatas, diaper, at edukasyon ng bata, pabahay pa kaya? Kailangan may financing at iba suporta upang mapunan ang puwang na ito.
Kapanalig, napakahalaga dito ng suporta ng pamahalaan at pribadong sektor. Walang puwang ang pabahay sa regular na kita ng mamamayan, kaya’t marami pa rin ang informal settlers sa ating bayan. Dapat makita ng lipunan, lalo ng pamahalaan at ng pribadong sektor na ang pagbibigay ng oportunidad sa mas maraming tao na magkaroon ng sariling tahanan ay hindi lamang pagbibigay ng seguridad at kapanatagan sa mga pamilya, ngunit nagbibigay din ito ng mas maayos na kalidad ng buhay para sa lahat. Magbibigay daan ito sa mas matatag na ekonomiya – ang housing construction ay magbibigay ng maraming trabaho at magbubuo ng mga housing communities na tatayo bilang mga bagong merkado. Ito ay magbibigay ng positibong epekto hindi lamang sa ekonomiya kundi pati na rin sa kalakaran ng trabaho sa bansa.
Kapanalig, ang kawalang ng pabahay ay salot din sa lipunan. Sabi ng ani Pope John II, “the lack of housing, an extremely serious problem in itself, should be seen as a sign and summing-up of a whole series of shortcomings, economic, social, cultural or simply human in nature.” Dito, sa kawalan ng disenteng tahanan para sa maraming Filipino, nakikita nati kung gaano pa tayo kalayo sa tunay na kasulungan o genuine development ng ating bayan.
Sumainyo ang Katotohanan.