117,523 total views
Ang de kalidad na pabahay ay napakahalaga, kapanalig. Hindi na pwede ang mga nakagawian nating “pwede na” pagdating sa ating mga tahanan. Ngayon, kailangan natin matibay, maasahan, at abot-kayang pabahay. Ang pabahay kasi ngayon ay isang uri ng climate resilience na rin.
Eto na ang era ng climate change, at pati ang mga bahay natin, kapanalig, ay kailangan na rin makibagay o mag-adapt. Lumipas na ang mga araw na pwede na ang yero bilang panagpi at dingding. Hindi na akma ang mga bahay na nag-aabsorb at nagkukulong ng init, ng walang ventilation at insulation. Dama ng marami nating kababayan ngayong tag-init ang epekto ng ganitong uri ng masisilungan. Para kang pinapasok sa hurno dahil sa init. Hindi ito maganda para sa kalusugan ng mamamayan.
Hindi na rin akma ngayon ang mga tahanang marupok ang mga dingding at bubong. Sa lakas ng hangin at ulan na dala ng mga bagyo sa ating panahon ngayon, liliparin agad ang ating mga bahay.
Pati mga komunidad kung saan nakatayo ang ating mga tahanan ay kailangan na rin nating mabago at maiakma sa panahon ng climate change. Kailangan malaman natin kung malambot ba ang lupa dito, mabilis at malalim bang magbaha, at kung lagi bang dinadaanan ng mga sakuna na bunsod ng mga natural disasters.
Mahirap gawin ito. Ganito pa rin ang tahanan ng marami nating mga maralitang kababayan. Hanggang ngayon, marami pa rin ang nagtitis sa ganitong sitwasyon dahil napakamahal ng pabahay sa bansa. Marami ka mang nakikitang mga konstruksyon ng condominium o pabahay, ang mga ito ay hindi marketed para sa mga maralita. Ang mga housing developers natin nakatutok sa mga mayayaman nating mga kababayan, hindi sa pagtulong sa pagbibigay tahanan sa mga homeless nating kababayan. Kaya nga’t hindi nakakapagtaka na pagdating ng 2030, maaaring umabot ng 6.5 million ang housing shortage sa ating bansa.
Kapanalig, maaari namang magdevelop ng pabahay na naka-market para sa mga maralita, hindi lamang ang pribadong sektor, kundi ang pamahalaan mismo. Kung kayang umupa ng marami nating mahihirap na kababayan, kakayanin din nila magbayad sa abot-kayang pabahay, hindi ba? Maaaring makipag-partner ang pamahalaan sa mga developers upang magtatag ng mga komunidad at pabahay na titiyak sa kaligtasan ng pamilyang Pilipino. Ang ganitong pagkilos ay aksyon tungo sa panlipunan katarungan o social justice, na isa sa layunin o goal ng ating Kristiyanong pananalig. Sabi nga sa sa Sollicitudo Rei Socialis, ang kawalan ng pabahay ay simbolo ng ating napakalaking pagkukulang sa lipunan, at nagpapakita rin kung gaano tayo kalayo sa kaganapan ng ating humanidad o pagkatao. Ang de kalidad na pabahay, kapanalig, ay isang human right, na dapat nating kilalanin at tiyakin.
Sumainyo ang Katotohanan.