668 total views
Kapanalig, ang pabahay o shelter ay isa sa pangunahing pangangailangan ng bawat tao. Kaya lamang, ang pabahay sa atin ay mahirap abutin; ito ay pangarap na lagi na lamang mailap.
Mabilis na rin kasi ang urbanisasyon sa maraming lugar sa bansa. At pag mabilis ang antas nito, mabilis din tumataas ang halaga ng lupa. Sa ngayon nga, 33 na ang ating highly urbanized cities, ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA). Apat sa mga syudad na ito ay higit pa sa isang milyon ang populasyon: ang Quezon City (2.94 million), City of Manila (1.78 million), Davao City (1.63 million), at Caloocan City (1.58 million).
Kapanalig, sa mga lugar na ito, napakamahal ng lupa ngunit dito rin marami ang gusto manahan dahil dito rin marami ang oportunidad. Ayon sa isang presentasyon ng Housing and Urban Development Coordinating Council (HUDCC) noong 25th SHDA National Developer’s Convention noong nakaraang taon,[1] umabot na sa 5.5 million pamilya ang total housing need sa bansa. Karamihan sa mga pamilyang ito ay nakatira sa Luzon at Metro Manila.
Habang dumadaloy ang panahon, mas tataas pa ang urbanization rate natin, at mas tataas pa ang halaga ng lupa. Noong 2010, nasa 45.3% na ang urbanization rate ng bansa. Ayon sa UNESCAP, ito ay magiging 56% pagdating ng 2050. Kasabay ng urbanisasyon ay ang pagdami rin ng ating populasyon, lalo na sa mga urban centers. Nasa 12.6 million na kapanalig, ang populasyon sa CALABARZON, na mas mabilis na rin ang urbanisasyon ngayon. Sa Metro Manila, nasa 11.9 million na ang dami ng tao.
Kaya nga’t ang hirap magkabahay para sa maraming pamilya ngayon, lalo pa’t kung nais mo sa Metro Manila at CALABARZON, kung saan may mga trabaho. Maliban sa mahal, napakahirap ng proseso. Kapag umutang ka sa bangko, malaki pa rin ang iluluwal mong pera para sa processing. Hindi makakayanan ng ordinaryong Pilipino. Kahit pa sa socialized housing, ang proseso ay masalimuot. Ang paglalakad para sa titulo ng lupa, bawat hakbang may naka-abang na gastos. Kapag nagpatayo ka naman ng bahay, bawat proseso ng pagkuha ng permit, gastos din.
Kapanalig, kelangan na gawing mas simple at abot kaya ang gastos at proseso sa pagkakaroon ng bahay sa bansa. Ang ordinaryong pamilya ay hirap na ngang abutin ang gastos, mas hirap pang lakarin lahat ng requirements, lalo’t pa arawan ang sweldo ng karamihan at may mga supling na inaalagaan. Kitang-kita, hindi akma ang mga proseso at presyo sa tunay na buhay ng mga Filipino.
Ang Solicitudo Rei Socialis ni Saint Pope John Paul II ay may paalala sa atin: Ang kawalan ng pabahay ay simbolo ng sunod sunod nating pagkukulang. Pinapakita nito kung gaano tayo kalayo sa tunay na kaganapan ng ating pagkatao.