2,412 total views
Maagang pamasko para sa mga informal settlers ang ipinagkaloob ng Department of Interior and Local Government.
Ito ay matapos ipamahagi sa 45 informal settler families ang Micro-medium Rise Building and Livelihood Center Project sa Brgy. Ampulang Lupa,Pandi,Bulacan.
Ayon kay DILG Sec. Ismael Sueno, ang 45 pamilyang ay beneficiaries na mula sa Pinagsamang Mamamayang Maralita sa Tabing-Ilog Association Corporation (PMMTIAC), isang People’s Organization na nakatira sa San Juan River, Brgy. Tatalon, Quezon City.
Gayunman hindi itinuturing na pamasko ni Fr. Pete Montallana – Lead Convenor ng Sikap Laya Incorporated, ang paglilipat sa mga informal settlers sa pabahay sa Pandi, Bulacan.
Ayon sa pari, bagama’t sinabi ng DILG na may inilaan itong livelihood program para sa mga pamilya, ay hindi ito tunay na nakatutulong upang kumita ang mga pamilyang na-relocate ng salaping sasapat sa kanilang pangangailangan.
“Pamasko yan sa mga bulag, kasi hindi naiintindihan ng DILG, ang walang hanapbuhay ay parang pinapatay mo ang tao,” pahayag ni Fr. Montallana sa Radyo Veritas.
Tinatayang 30 milyong piso ang halaga ng MMRB, kung saan ang 18 milyon ay ginamit para sa 45 mga bahay at ang 12 milyong piso naman ay inilaan sa livelihood program ng mga pamilya.
Sang-ayon nga sa katuruan ng simbahang katolika, tungkulin ng pamahalaan na pangasiwaan at bigyan ng mabuting estado ng pamumuhay ang mamamayan lalo na ang mahihirap nating kababayan.