487 total views
Pasisimulan na ng Diocese of Surigao ang rehabilitation program at housing project para sa “poorest of the poor families” na nawalan ng tahanan dulot ng pananalasa ng bagyong Odette noong nakaraang taon.
Ayon kay Bishop Antonieto Cabajog, balak ng Diyosesis na magpatayo ng 150 hanggang 170 matitibay na bahay na hindi basta-basta mawawasak ng anumang kalamidad.
Ibinahagi ni Bishop Cabajog sa Radio Veritas na mayroon nang naipatayong isang model house na pagbabatayan para sa halaga ng magagastos at disensyo ng iba pang itatayong bahay.
“Maliit lang ‘yung model house pero kumportable. Weather-proof ang pagkakagawa. Kumpleto na rin, may one bedroom, living room, dining room, kitchen at comfort room,” pahayag ni Bishop Cabajog sa panayam ng Radio Veritas.
Nagpapasalamat naman si Bishop Cabajog sa mga nagpaabot ng tulong at suporta upang muling makabangon ang Surigao City at iba pang karatig na bayan mula sa tinamong pinsala sa nagdaang bagyo.
Sinabi ng Obispo na ang mga nakalap na pondo mula sa mga tulong ay gagamitin bilang suporta sa housing project ng Diyosesis.
“Sa awa ng Diyos, marami namang tumulong sa atin kaya ‘yun talaga ang gagamitin natin para sa pagtulong sa mga poorest of the poor,” saad ng Obispo.
Nagagalak rin si Bishop Cabajog sapagkat sa kabila ng sinapit mula sa nagdaang bagyo ay hindi nawalan ng pag-asa at pananampalataya ang mamamayan.
Dalangin naman ng Obispo ang patuloy na kaligtasan ng lahat laban sa anumang kalamidad at malagpasan ang mga hinaharap na pagsubok sa buhay.
Batay sa datos ng National Disaster Risk Reduction and Management Council o NDRRMC, umabot sa mahigit 7,000 pamilya ang naapektuhan ng pananalasa ng bagyong Odette sa Surigao City.