1,415 total views
Tiniyak ng Pag-IBIG Fund ang pagpapalawak ng programa para sa kapakinabangan ng bawat Pilipino.
Ito ang mensahe ni Pag-IBIG Fund Deputy Chief Executive Officer for Member Services Cluster Alexander Hilario Aguilar kasabay ng paglunsad sa ‘Asenso Rider Raffle Promo’ nitong May 25.
Ayon sa opisyal ito ang mithiin sa pagtatag ng Pag-IBIG Fund upang tulungan ang mga Pilipino sa basic needs tulad ng bahay.
“Ang Pag IBIG po ay ginawa ng batas para pagsilbihan ang mga manggagawa ang atin pong dalawang basehang serbisyo ay ang savings yung pagkakaroon ng kumikitang dividendo o kumikitang pag-impok at pangalawa yung housing program natin na kung saan kung ikaw ay member ikaw ay may karapatang magkaroon ng bahay.” ang pahayag ni Aguilar sa panayam ng Radio Veritas.
Sa inilunsad na programa benepisyaryo nito ang ang Transport Network Vehicle Service o TNVS Riders at Partner-Drivers ng App-Based Logistic Companies.
Nagagalak si Aguilar sa suporta ng TNVS Riders na layong maging miyembro ng Pag-IBIG Fund para mapakinabangan ang iba’t ibang programa na makatutulong sa kanilang mga pamilya lalo na sa pagkakaroon ng disenteng tahanang masisilungan.
Sa paglunsad ng programa isang TNVS Delivery Rider ang nanalo ng motorsiklo habang ang iba naman ay nanalo ng cellphone at helmet na karaniwang ginagamit ng isang TNVS rider.
Humigit kumulang sa isanlibong riders ang dumalo sa pagtitipon na sinimulan sa isang motorcade patungo sa isang mall sa Pasay City.
Pinangunahan ni Department of Human Settlement and Urband Development Secretary at Pag-IBG Fund Chaiman Jose Rizalino Acuzar at Pag-IBIG CEO Marilene Acosta ang paglagda sa kasunduan kasama ang mga opisyal ng App-Based Logistic Companies.