16,696 total views
Muling hinikayat ng health ministry ng simbahan ang mamamayan, lalo na ang mga magulang, na pabakunahan ang anak laban sa vaccine preventable diseases.
Ayon kay Catholic Bishops’ Conference of the Philippines-Episcopal Commission on Healthcare executive secretary, Camillian Fr. Dan Cancino, mahalagang mapabakunahan ang mga bata laban sa mga nakahahawang sakit upang magkaroon ng karagdagang proteksyon at makatulong na mapalakas ang immune system.
Kabilang sa mga vaccine preventable diseases ang measles o tigdas, hepatitis, human papilloma virus (HPV), influenza, pneumonia, polio, rotavirus, bulutong-tubig, tetanus, diphtheria, at pertussis.
“Ito ay tawag para sa pagpapahalaga ng buhay ko at buhay din ng ibang tao. Pagpapahalaga rin ng buhay ng mga bata at kapag napahalagahan mo ‘yun, napahalagahan mo ‘yung kinabukasan ng bansa,” ayon kay Fr. Cancino sa panayam ng Radio Veritas.
Sinabi ni Fr. Cancino na ang pagsisikap na mapangalagaan ang kapwa mula sa mga nakahahawang karamdaman ay isang paraan ng pagpapakita ng pag-ibig.
Iginiit ng pari na makakatulong ang pagtatanong, pagsusuri, at pakikinig sa mga dalubhasa tungkol sa mga bakuna nang sa gayon ay magkaroon ng sapat na kaalaman na makakatulong sa pangangalaga ng kalusugan.
Nitong Abril, kasabay ng pagdiriwang sa World Immunization Week ay ipinagdiwang ang ika-50 taon mula nang ilunsad ang Expanded Program on Immunization na layong tiyakin ang pantay na access sa mga bakunang makapagliligtas ng buhay lalo na sa mga bata, anuman ang kinaroonan at katayuan sa buhay.
“Inaanyayahan ko ang bawat magulang, ang ating mga kapanalig na pumunta sa health center. Magtanong, mag-avail ng bakuna, base sa inyong konsensya, base sa impormasyong ibinigay sa inyo, at protektahan ang mga kabataan, protektahan din natin ang kinabukasan at ang ating bansa,” saad ni Fr. Cancino.
Patuloy naman ang panawagan ng Department of Health sa mamamayan na tangkilikin ang libreng pagpapabakuna ng pamahalaan upang mapigilan ang mapanganib at nakamamatay na epekto ng mga nakahahawang karamdaman.
Batay sa 2022 World Health Organization (WHO) and UNICEF Estimates of National Immunization Coverage (WUENIC), mayroong 637-libong bata sa Pilipinas na hindi pa nababakunahan, na maaaring maghantong sa mas mataas na panganib na magkasakit.