1,085 total views
Matatanggap kaya ng isang kabataan ang isang bagay na ipapamana sa kanya kung ito ay sobrang luma na at lipas na sa panahon? Kagaya ng Pabasa, Kung pag-uusapan natin ang tradisyong ito, ilang porsyento pa kaya sa mga kabataan ang magbubuhos ng interes dito?
“Boring, pangmatanda lang yan, Pero masaya pag kasama tropa, madaming pagkain parang Fiesta”. Iyan ay ilan lamang sa mga sagot ng mga kabataang natanong ko tungkol sa tradisyon ng pagbasa.
Niluma man panahon, bakas pa din ang kasaysayan. Sa pagitan ng relihiyon at tradisyon ay ang panata ng Pabasa. Pero alam mo nyo ba na kahanga-hanga ang ating mga ninuno ? kung babalakan kasi ang pinagmulan ng Pabasa malalaman natin na kakaiba talaga ang tatak ng Pinoy.
PABASA, ARTISTIKONG RIWAL NG PANALANGIN
Bago pa man dumating ang mga Kastila ay naging ugali na ng mga katutubong Pilipino na awitin nang patula ang talambuhay ng kanilang mga bayani tulad ng “Biag ni Lam-ang”, “Indarapatra at Sulayman”, “Bidasari”, “Maragtas” at iba pa. Ang tawag sa mga ito ay epiko. Tuwing may mahahalagang okasyon sa tribo ay inaawit nila ang epiko ng buhay ng kanilang mga bayani upang kanilang pagnilayan. Kaya naman nang dumating sa bansa ang kuwento ng buhay ni Hesu-Kristo ay hindi nakaligtas sa mga Pinoy na gawan din ito ng epikong awitin. Pasyon ang tawag sa paglalahad ng buhay ng ating Panginoon sa paraaang patula at pagpag-awit. Kaya kung papansinin natin ang tono ng pasyon, ito ay hango sa tunog ng ritwal ng ating mga ninuno.
Ang Pabasa ay ang pag-awit o pagbasa ng mga deboto sa mahabang pasyon ni Hesukristo. Ang nasabing pasyon na nasa anyong patula ay hango sa Bibliya ng mga Katoliko Romano. Ang grupo ng mang-aawit ay kakanta nang sabay sa saliw ng luma o bagong kanta, sinasamahan ng mga instrumento kung minsan upang mas masigla ang pagbabasa. Kadalasan ang pabasa ay idinadaos kapilya ng barangay at mga tahanan. Si Padre Mariano Bernabe Pilapil (1756-1818) ay tubong San Jose, Bulakan, Bulacan. Ang Sumulat ng “Pasyong Mahal”
Ngunit ang nakikita natin sa kasalukyang paggunita sa tradisyong ito ay naiiba na sa paraan kung paano ito nagsimula. Ngayon ay nahahati na ang mga bumabasa sa dalawa, sa nakakatanda at nakakabata. Hinayaan na rin ang mga kabataan sa ibang lugar na awitin ito ng tugma sa kanilang henerasyon. Gaya ng pasyon na pa rap at may mabilis na beat.
KULTURA AT PANANAMPALATAYA
Ang pabasa nga ay bahagi ng ating pagkakakilalanlan. Dahil sa tradisyong ito nagkakaroon ng pagkakataong magkatipon ang magpapamilya. Nakikita ang pagtutulungan at pagkakaisa ng bawat grupo at sambayanan.
Ang taos pusong pananalangin at matinding pag-ibig ng ating mga ninuno sa Diyos, ang siyang naging pangunahing sangkap ng pananatili ng tradisyong ito.
Ang Panata sa pabasa ay sibolo din ng pananampalataya ng isang Kristyano. Bukod sa paghiling ito rin ay pamamanata bilang pasasalamat sa biyayang natatanggap at mga himala mula sa Diyos. Ang paggunita sa dakilang pag-ibig ng Diyos ang sentro ng tradisyong ito. Dapat itong pahalagahan at sariwain ng may paggalang . Sa katahimikan ay musika para sa kwaresma. Magnilay tayo at magbalik loob sa Diyos. Kagaya ng ating mga ninuno na pinaigting ang kanilang pagiging Kristiyano sa saliw ng awit bilang papuri at pagkilala sa pagpapakasakit ng ating Panginoong Hesukristo.