24,682 total views
Muling nanawagan si Novaliches Bishop Emeritus Teodoro Bacani sa pamahalaan na subukan ang Fabunan Antiviral Injection na pinaniniwalaang nakagagamot sa coronavirus disease.
Ito ay matapos maglabas ng pahayag si Pangulong Rodrigo Duterte na handa siyang magbigay ng P10M para sa makadidiskubre ng gamot laban sa COVID-19.
“Si President Duterte nag-aalok ng P10M para sa makatutuklas ng gamot. Mr. President, inaalok na po sa inyo – sa may San Marcelino, Zambales – ‘yung Fabunan Antiviral Injection.
Huwag po sana tayo magbingi-bingihan, pakingan po sana natin ang panawagan at alok na ito para sa gamot sa COVID-19,” pahayag ni Bishop Bacani sa Radyo Veritas.
Matatandaang una nang hinamon ng Obispo ang Department of Health (DOH) at Food and Drugs Administration (FDA) na subukan at pag-aralan ang gamot na binuo ng mga Fabunan.
Nauna namang nagbabala ang FDA sa mga mamamyan sa paggamit ng hindi lisensiyadong Fabunan Antiviral Injection bilang panggamot sa COVID-19.
Unang lingo ng Abril nang ipinahinto ng FDA ang paggamit ng kontrobersiyal na gamot dahil kailangan pa nitong dumaan sa proseso.
Una na ding inamin ng mga Fabunan na hindi pa abrubado ng FDA ng kanilang gamot.
Sa kasalukuyang pag-aaral, wala pang partikular na gamot laban sa COVID-19 at walang bakuna para maiwasan ito, ngunit marami sa mga sintomas ng sakit ang maaaring malunasan.
Ipinag-utos na ng Malacanan sa FDA na pag-aralan ang Fabunan Antiviral Injection at kung tunay itong nakagagamot o nakatutulong makaiwas sa coronavirus disease.