1,179 total views
Umaasa ang Kanyang Kabunyian Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula na pag-ibayuhin pa ng Paco Catholic School ang pagpapalago ng pananampalataya sa pamayanan.
Ito ang mensahe ng arsobispo sa ika – 110 anibersaryo ng institusyon na patuloy ang pagsusumikap na maging katuwang ng simbahan sa pagmimisyon.
Naniniwala si Cardinal Advincula na bawat katolikong paaralan ay malaki ang tungkuling ginagampanan upang maipalaganap ang pananampalataya lalo na sa kabataan.
“Every Catholic School is a school of faith. With gratitude and humility, we pray that Paco Catholic School will be a seedbed of faith, hope, and love,” ayon sa mensahe ni Cardinal Advincula.
Batid ng cardinal ang malaking hamong hinarap ng sektor ng edukasyon noong pandemya ngunit pinagsumikapan ng eskwelahan sa pagtutulungan ng mga guro at sa pangangasiwa ni Fr. Maxell Aranilla bilang School Director na maihatid ang edukasyon sa kabataan gamit ang makabagong pamamaraan sa tulong teknolohiya.
Pinuri ni Cardinal Advincula ang pagsusumikap ng Paco Catholic School na mananatiling kaisa sa misyon ng simbahan sa kabila ng mga pagbabago.
“We note that Paco Catholic School has been established to integrate the faith in the lives and learning experiences of the school community,” ani ng cardinal.
Umaasa rin si Cardinal Advincula na lalago ang institusyon sa pag-ibig at kawanggawa na magdudulot ng pag-asa sa bawat kabataang hinuhubog sa eskwelahan.
“Let the mission of Catholic Schools be expressed in charity by bringing our students closer to Jesus. Unless we submit ourselves to the power of Jesus, we will not be able to fulfill our evangelizing mission inn the Church,” giit ni Cardinal Advincula.
Itinatag ang Paco Catholic School noong November 8, 1912 sa pangunguna ni Fr. Raymond Esquenet ng Congregation of the Immaculate Heart of Mary na nangasiwa noon sa Paco Church at ipinagpatuloy ni Fr. Godfried (Godofredo) Aldenhuijsen, CICM.
Kinilala at pinasalamatan ni Cardinal Advincula ang mga nagpasimula sa eskwelahan, mga guro at kawaning nagsusumikap na paglingkuran ang bawat kabataang itinataguyod ang Paco Catholic School.