200 total views
Sesentro sa mga kabataan ang isasagawang 4th Philippine Apostolic Congress on Mercy simula sa ika-24 hanggang ika-26 ng Enero, 2019 sa Filoil Flying V Center, San Juan, Metro Manila.
Tema ng PACOM 4
“The Divine Mercy in Communion with the Young” na hango sa Year of the Youth na isa mga tema ng paghahanda para sa pagdiriwang ng ika-500 taon ng Kristiyanismo sa Pilipinas.
Ayon kay Father Ernesto Panelo – Diocesan Divine Mercy Spiritual Director, kaisa ang mga kabataan sa pagbubuo ng programa para sa PACOM 4.
Sinabi ng Pari na mahalagang mula mismo sa mga ito ang mga ideya ng tatalakayin sa tatlong araw na pagtitipon upang lalo pang mapayaman at mapalalim ang debosyon ng mga nakatatanda at mga kabataan sa Divine Mercy.
“Yung ating young people, ito’y mga kasama natin sa apostolate, ito’y kasama natin sa simbahan, may kanya-kanyang strugles sa buhay, may kan’ya-kan’yang pinagdadaanan at ramdam nila yung awa, kung paano gumalaw yung awa ng Diyos.” pahayag ni Father Panelo sa Radyo Veritas.
Samantala, naniniwala naman si Bro. Jun Bernad – Program in-charge sa PACOM 4 na mas magiging epektibo ang pagpapakalat ng debosyon sa Divine Mercy kung pangungunahan ito ng mga kabataan.
Inihayag ni Bernard na karaniwan nang nagdedebosyon dito ang mga nakatatanda kaya naman nais ng PACOM 4 na ipakita at ipadama sa mga mas nakababata na ang Divine Mercy ay para din sa kanila.
“Kasi ang naaattract sa divine mercy ang mga nakatatanda pero ang pananaw namin mas makakabuti kung ang mga kabataan ang nasa frontline ng pag-spread ng devotion nitong divine mercy.” Pahayag ni Bernad.
PACOM 4- DAY 1
Karamihan sa mga panayam sa PACOM 4 ay akma sa kaugalian at suliranin na kinahaharap ng mga kabataan sa kasalukuyan.
Sa unang araw ng pagtitipon, magbabahagi si Diocese of Balanga Bishop Ruperto Santos – WACOM Asia Episcopal Coordinator, ng panayam sa paksang Divine Mercy for You(th).
Bibigyang pagpapalalim dito ang debosyon sa Divine Mercy bilang isang biyaya na kinakailangang ibahagi at ipalaganap.
Kasunod nito ay ang IMG (I Am God) Selfie Syndrome and the Image of the Divine Mercy na tatalakayin naman ni Diocese of Kalookan Bishop Pablo Virgilio David – Vice President ng Catholic Bishops Conference of the Philippines.
Layunin ng paksang ito na maipabatid sa mga mananampalataya na ang Panginoon ang nararapat na sentro ng buhay ng isang Kristiyano at hindi ang kan’yang sarili.
PACOM 4-DAY 2
Sa ikalawang araw ng pagtitipon, tatalakayin ang paksang N-Chances from No to Nfinity – healing from a broken relationship through the Divine Mercy ni Father Mark Laguardia, SDB.
Mababatid sa paksang ito ang walang hanggang awa ng Panginoon na handang magbigay ng kapatawaran sa tao upang maipagkaloob din ng bawat isa ang kapatawaran sa kan’yang kapwa.
Kasunod nito ang Love Despite Regret (LDR) na may kaugnayan sa naunang paksa dahil ang pagbibigay kapatawaran sa kapwa ay nangangahulugan ng pagbabahagi ng pag-ibig na nakaugat sa awa at habag ng Panginoon.
Naniniwala si Father Panelo na ang tunay na pagpapatawad na mula sa Panginoon ay magiging tunay lamang kung taos sa puso ang pakikipagkasundo ng isang tao sa kan’yang kapwa.
“Kapag nakipag reconcile ka sa kabila ng ikaw ay sugatan, sa kapwa mo sugatan din, yun ang totoong mukha, nagiging real yung expression, kaya sabi nga po ito yung Love Despite Regrets, ibig sabihin ay gusto mong ipahayag yung naayos mong relasyon sa Diyos, kaya gagawa ka ng paraan, mag eeffort ka para maayos din yung relationship mo sa kapwa.” pahayag ni Father Panelo.
Samantala, ang ikalimang panayam na ibabahagi ni Father Jose Francisco Syquia – Chief Exorcist Priest ng Archdiocese of Manila, ay pinamagatang Immortal Combat – Divine Mercy and the battle for souls.
Dito ibabahagi ang mga paraan kung paano maipagtatanggol ng mga mananampalataya ang kanilang ispirituwalidad at kung paanong mas mapalalakas ng bawat isa ang debosyon sa Banal na Awa ng Diyos.
PACOM 4 – DAY 3
Sa huling araw ng PACOM 4 ay magkakaroon ng talakayang tampok ang mga suliraning hinaharap ng mga kabataan tulad ng mga usapin ng sexual orientation, addiction, bullying, at peer pressure.
Isang grupo ng mga panelist ang magbabahagi ng kanilang karanasan kung paano pakitunguhan at gabayan ang mga kabataang dumadaan sa ganitong pagsubok sa buhay.
Umaasa ang mga bumubuo ng PACOM 4 na sa pagtatapos ng pagtitipon ay maibabahagi ng mga dumalo ang lahat ng kanilang natutunan sa kanilang parokya at sa maliliit pang komunidad na kanilang kinabibilangan.
Isang hamon din ang iiwan ng PACOM 4 sa mga mananampalataya na isabuhay ang Corporal Works of Mercy at magkaroon ng kongkretong programa sa kanilang mga simbahan na tutugon sa pangangailangan ng kapwa at magpapadama ng pag-ibig, awa at habag na mula sa Panginoon.
Sa kasalukuyan tinatayang nasa 2,500 indibidwal na ang inaasahang dadalo sa PACOM 4.
Bukas pa rin ang pagpaparehistro sa pamamagitan ng pakikipag-ugnayan sa Manila Archdiocesan Shrine of the Divine Mercy at bubuksan din ang on-site registration sa unang araw ng PACOM 4.