170 total views
Pinangunahan ni Cebu Archbishop Jose Palma ang misa para sa ikalawang araw ng 3-day event ng Philippine Apostolic Congress on Mercy (PACOM 4) na ginaganap San Juan Arena.
Sa kaniyang homiliya binigyan diin ni Archbishop Palma ang puspos na awa ng Panginoon sa bawat mananampalataya na higit pa sa ating mga pagkakasala.
“God’s love and mercy endures forever. His mercy endures forever. Mercy will always be greater than any sin,” ayon sa homiliya ni Archbishop Palma.
Inihalimbawa ng Arsobispo ang pagbabagong loob ni St. Paul o Saul na kilalang taga-usig ng mga kristiyano subalit tumanggap at nakaranas ng dakilang awa ng Panginoon.
Ang pagdiriwang ay kasabay na rin ng ‘Feast of Conversion of St. Paul the Apostle.
Hinikayat naman ni Archbishop Palma ang bawat isa bilang mga tinawag upang maging misyonero at ipahayag ang mabuting balita ng Panginoon tulad na rin ni St. Paul na tumanggap ng awa at nagbahagi ng awa sa kaniyang kapwa.
“But God is redeemer because His mercy endures forever. He is not just savior but redeemer in the sense of even if we don’t deserve. Because of His mercy we receive redemption,” ayon pa kay Archbishop Palma.
Tinatayang may higit sa 3,000 ang mga delegadong dumalo mula sa iba’t ibang Diyosesis sa buong bansa para sa tatlong araw na pagtitipon na magtatapos sa ika-26 ng Enero.