264 total views
Mga Kapanalig, nitong nakalipas na tatlong taon, napansin mo bang mas mainit at maalinsangan kapag panahon ng tag-init? O kaya naman, nalubog na ba ang inyong bahay sa bahang dala ng tuluy-tuloy na pag-ulan? May nasira ba sa inyong bahay nang daanan ang inyong lugar ng malakas na bagyo o kaya naman ay niragasa ng putik dahil naman sa landslide?
Kung “oo” ang inyong sagot, isa kayo marahil sa siyam sa sampung Pilipinong nagsabing naramdaman nila ang epekto ng krisis sa ating klima nitong nakaraang tatlong taon. Ito ang lumabas sa isang survey na ginawa ng Social Weather Stations (o SWS) kung saan tinanong nila ang mga lumahok kung mayroon silang personal na karanasan ng mapaminsalang epekto ng climate change. Lumabas ang resulta ng survey ng SWS matapos isapubliko ng United Nations ang report nitong nagsasabing lubhang mabilis kaysa sa inaasahan ang tinatawag na climate impacts habang mas lumalapit tayo sa 1.5 degree Celsius na warming limit.2 Maaari nating sabihing maliit lamang ang 1.5 degree Celsius na pag-init, ngunit sa totoo lang, malaki at malalim ang epekto nito sa pandaigdigang klima.
Hindi lamang matinding init o mapaminsalang bagyo ang mga epekto ng climate change. Ang mas mainit na daigdig ay nagdudulot din ng malawakang tagtuyot na sumisira sa kabuhayan at pagtaas ng nibel ng tubig-dagat o sea level rise na sumisira sa mga dalampasigan. Banta rin sa kalusugan ng tao at katiyakan sa pagkain ang climate change.
Sa kabila ng pagdanas ng mga epekto ng climate change, walo sa sampung Pilipino naman, dagdag pa rin ng SWS, ang naniniwalang may magagawa pa rin upang mabawasan ang panganib na dala ng nagbabagong klima. Tatlo sa apat naman ang nagsabing kaya pa ng sangkatauhan na pabagalin—kung hindi man tuluyang pigilan—ang climate change kung susubukan lamang natin. Ilan sa mga binanggit na solusyon ay malawakang pagtatanim ng mga puno, pagtitipid sa paggamit ng kuryente, pagre-recycle, at pagbawas sa paggamit ng pribadong sasakyan.
Ngunit hindi lamang nakasalalay sa mga indibidwal ang pagtugon sa climate change. Mahalagang maunawaan nating bagamat malaking tulong ang pagkakaroon natin ng tinatawag na lifestyle change, dapat ding pagtuunan ng pansin—at tunay na baguhin—ang mga balangkas sa ating lipunang hinahayaan ang mga sakim sa perang sirain ang ating kalikasan para sa kanilang kapakinabangan. Maraming industriyang konektado sa mga mayayamang tao at angkan gayundin sa mga korporasyong nakabase sa mayayamang bansa ang sumisira sa ating kagubatan at karagatan, lumalason sa hangin at tubig, at nagdudulot ng polusyon. Kabilang rito ang malalaking minahan at logging companies na sumisira sa mga kagubatan, mga transportasyong gumagamit ng langis at nagdudulot ng polusyon sa hangin, at mga negosyong gumagamit ng napakaraming tubig o nagtatapon ng nakalalasong kemikal sa ating mga ilog at dagat.
Sanga-sanga ang mga sanhi ng climate change—mula sa mga pinipili nating mga indibidwal hanggang sa mga malalaking industriyang may pandaigdigang epekto. Mula sa lente ng ating pananampalataya, sinasalamin ng ating mga gawaing nagdudulot ng climate change ang kawalang-galang natin sa ating Diyos at sa biyayang Kanyang ipinagkaloob sa atin. Sa isang pahayag pa noon, sinabi ni Pope John Paul II na ang paggalang sa buhay at sa dignidad ng tao ay dapat umabot din sa iba pang nilikhang inaanyayahang sumama sa tao sa pagpuri sa Diyos. Ang climate change ay bunga ng lantaran nating pagtalikod sa Diyos, ng ating pag-suway sa katuruan ng Diyos, wika nga sa Isaias 24:5.
Mga Kapanalig, mabuting nag-aalala tayo sa mga epekto ng climate change, ngunit magtulak sana ito sa ating magkaroon ng pagbabago sa ating mga sarili at pagpapanagot sa mga nasa poder na hinahayaang masira ang ating kapaligiran.
Sumainyo ang katotohanan.