3,172 total views
Nagsasagawa na ng assessment ang social action arm ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) kaugnay sa naganap na lindol, Miyerkules ng umaga.
Sa kasalukuyan, ibinahagi ni Kidapawan Bishop Jose Colin Bagaforo, national director ng CBCP-National Secretariat for Social Action Justice and Peace-NASSA, na kabilang sa mga napinsala ng malakas na pagyanig ang katedral ng Vigan at Kalinga.
Inaasahang ngayong hapon ay makakapag-ulat na ang mga social action center ng mga diyosesis lalo na mula sa Northern Luzon kung saan naitala ang 7.2 magnitude na lindol.
Muli hinikayat ng obispo ang lahat na patuloy na manalangin para sa kaligtasan ng bawat isa mula sa epekto na dulot ng pagyanig.
Hiling din ng obispo ang pakikiisa ng mamamayang Filipino sa pag-aalay kapwa sa mga posibleng nangangailangang ng tulong sa mga ganitong uri ng kalamidad.
Panalangin mula kay Bishop Jose Colin Bagaforo
“Kami po ay lumalapit mula sa inyong awa at pagkalinga para sa sambayanang Filipino na nakaranas na naman ng hamon, dahil sa binisita kami ng malakas na lindol.
Nawa’y patatagin ang aming damdamin at higit sa lahat ang iyong pagkalinga at pagmmamahal mula sa Iyong banal na proteksyon.
Nawa ang pagkakataong ito ay lalo pa kaming mapalapit sa Iyo, ang tulungan ang kapwa at ipamalas ang Iyong pagmamahal sa pamamagitan ng pag-aalay kapwa,”
Ayon pa kay Bishop Bagaforo, kasalukuyang nasa Tagaytay City ang ilang miyembro ng Social Action Centers ng mga diyosesis na sumasailalim sa pagsasanay ng Executive Course 101.
Layunin ng pagtitipon ang pagbuo ng advocacy focus and objective ng simbahan para sa susunod na dalawang taon; Training management on Handling Social Action Centers; at Networking, Communication lines sa sub-regional organizations para sa mas mabilis na pagtugon sa mga biktima ng anumang uri ng kalamidad.