803 total views
Mga Kapanalig, nag-lapse into law noong unang linggo ng kasalukuyang taon ang panukalang batas na ipinagbabawal ang child marriage o pagpapakasal ng mga menor de edad. Napakagandang balita ito para sa mga batang babae at lalaki dahil dagdag proteksyon ito para sa kanila. Isa rin itong hakbang na nagpapakita ng pagtupad ng pamahalaan sa pangako nitong itaguyod ang mga karapatang nakalahad sa United Nations Convention on the Rights of the Child.
Ayon sa Philippine Commission on Women (o PCW), ang Pilipinas ay panlabindalawa sa mga bansang may pinakamaraming bilang ng child marriages. Sa pagsasabatas ng End Child Marriage Bill o Republic Act No. 11596, hindi lamang ang pagpapakasal ang ipinagbabawal ng batas. Ipinagbabawal rin nito ang cohabitation o pakikipag-live-in sa mga menor de edad. Bagamat 18 taon ang edad na hinihingi ng batas upang makapag-asawa ang isang Pilipino, nagaganap pa rin ang child marriage sa mga komunidad ng mga kapatid nating Muslim at mga katutubo. Dati kasing pinapayagan ng Code of Muslim Personal Laws ang pagpapakasal ng mga bata kapag tumuntong na sila ng puberty o sa magkaroon ng unang menstruation ang babae. Ngunit sa pagsasabatas ng RA No. 11596, maiiwasan na ang maagang pag-aasawa ng mga bata at maparurusahan ang magbabasbas nito.
Maliban sa labag sa karapatang pambata ang child marriage, nagdudulot din ito ng hindi magandang epekto sa kanilang kinabukasan. Ang mga batang nagpapakasal bago tumuntong ng 18 taóng gulang ay mas madalas na hindi nakapagtatapos sa pag-aaral at nakararanas ng pang-aabuso sa loob ng kanilang tahanan. Nagdudulot din ito ng maagang komplikasyon sa kalusugan nila dala ng maagang pagbubuntis. Hindi pa kasi handa ang kanilang murang pangangatawan na magdalantao. Kung hindi nakapagtapos ang mga magulang, maaari din itong magdulot ng paghihirap na maaaring manahin pa ng kanilang mga anak. Ito ang tinatawag na intergenerational transfer of poverty.
Bagamat mayroon nang End Child Marriage Act, may mga hamon pa rin sa pagtuldok sa child marriage sa ating bansa. Hiniling ng Bangsamoro Transition Authority, ang tumatayong pangsamantalang gobyerno ng Bangsamoro Autonomous Region of Muslim Mindanao (o BARMM), na ipagpaliban ang pagpapatupad ng bagong pasáng batas. Ayon sa kanila, bahagi ng kultura ng mga Muslim ang maagang pa-aasawa at mahirap itong baguhin. Ngunit nauna nang sinabi ng Bangsamoro Women Commission na hindi dahil pinahihintulutan ito ng relihiyong Islam at bahagi na ng kultura ng mga kapatid nating Muslim ay magiging tama ang child marriage.[3] Ang Girls Defenders Alliance, isa sa mga grupo ng mga batang Bangsamoro na nagsulong ng batas na ito, ay tutol din sa child marriage.
Para sa ating mga Katoliko, ang pagpapakasal ay isang sakramentong tinatanggap ng mga nasa tamang pag-iisip at disposyon. Sabi nga ni Pope Francis sa kaniyang encyclical na Amoris Laetitia, kung ang mga magulang ang pundasyon ng isang tahanan, ang mga bata ay itinuturing ng ating Simbahan na mga buháy na batong bumubuo sa isang pamilya. Paano ito mangyayari kung sila ay magkakaroon na ng kanilang sariling pamilya sa murang edad? Kung hindi sila bibigyan ng pagkakataong makapag-aral at mapabuti ang kanilang sarili bago sila bumuo ng kanilang pamilya, paano na ang kanilang kinabukasan?
Mga Kapanalig, wika nga sa Mga Awit 127:3, kaloob ng Diyos ang mga bata. Kailangan natin silang kalingain, alagaan, at proteksyunan. Kailangang sa lahat ng pagkakataon ay nakatutok tayo sa pinakamabuti para sa kanila. Bagamat iginagalang natin ang kultura at mga nakasanayan ng ating mga kababayang iba ang pananampalataya, mas mangingibabaw sa atin ang pagbibigay ng proteksyon sa dignidad ng mga bata. Ito ang ating responsibilidad bilang mga nakakatanda at bilang Kristiyano.