488 total views
Iginiit ni Cagayan De Oro Archbishop Jose Cabantan na hindi pinahihintulutan ng simbahan ang mga pari at relihiyoso sa pagdadala ng armas.
Ipinaliwanag ng arsobispo na kahit may banta ng panganib sa buhay ng isang pari sa pagganap ng tungkulin ay hindi pa rin ito sapat na dahilan upang armasan ang mga lingkod ng simbahan.
“I’m not a canon lawyer but there’s a provision that disallow us to carry firearms even if there are threats or endangers us,” pahayag ni Archbishop Cabantan sa panayam ng Radio Veritas.
Tinukoy ng opisyal ang 1917 Code of Canon Law kung saan malinaw na pinagbabawalan ang mga lingkod ng simbahan sa pag-iingat ng anumang uri ng armas bagamat sa 1983 Code of Canon Law ay hindi na ito nailathala.
Ito ang tugon ni Archbishop Cabantan makaraang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Republic Act No. 11766 na nagpapalawig sa bisa ng pahintulot sa pagdadala ng armas.
Sinasaad sa batas na lahat ng uri ng lisensya sa pag-iingat ng baril ay maaring i-renew ng limang taon o sampung taon ayon sa nanaisin ng licensee.
Bukod sa mga sakop ng security forces at mga abogado sa bansa pinahihintulutan din ng pamahalaan ang pag-aarmas sa mga pari, imam, ministro, kawani ng media, kahera, bank teller, nurse, doktor, inhenyero, accountants at mga negosyanteng lantad sa labis na panganib ng mga kriminal.
Bagamat kinilala ang pag-iingat ng pamahalaan sa mga pastol ng simbahan ay hindi sang-ayon si Ozamiz Archbishop Martin Jumoad sa pag-aarmas ng mga pari sapagkat taliwas ito sa tungkuling ipalaganap ang kapayapaan.
“I don’t agree with that; ang armas ay simbolo ng karahasan at hindi ng kapayapaan,” ani Archbishop Jumoad sa hiwalay na panayam ng himpilan.
Noong 2018 nanindigan ang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines sa pangunguna noon ni Davao Archbishop Romulo Valles na hindi tungkulin ng mga pari ang pagbibitbit ng armas sa halip ipinagkatiwala sa mga alagad ng batas ang pagbabantay sa kaayusan at kaligtasan ng mamamayan.
Binigyan diin ng C-B-C-P na kaakibat ng misyon bilang pastol sa kawan ng Panginoon ang iba’t ibang uri ng banta ng panganib maging ang kamatayan tulad ng hinarap noon ni Hesus.
Matatandaang ikinabahala ng mamamayan ang magkasunod na pagpaslang noon kay Father Marcelito Paez, Fr. Richmond Nilo at Fr. Mark Anthony Ventura subalit ipinagktiwala ng simbahan sa mga awtoridad ang imbestigasyon sa pagkakamit ng katarungan ng mga biktima.