335 total views
Binigyang diin ng Commission on Human Rights (CHR) na tanging ang Philippine National Police lamang ang institusyon ng pamahalaan na kinikilala ng Konstitusyon sa pagpapatupad ng batas sa lipunan.
Ito ang nilinaw ni CHR Spokesperson, Atty. Jacqueline Ann de Guia kasunod ng mga mungkahi at panukala na pagbibigay armas sa mga sibilyan bilang mga anti-crime volunteers.
Ayon kay Atty. De Guia, nasaaad sa 1987 Constitution na tanging iisa lamang ang police force na kinikilala ng Saligang Batas bilang law enforcement arm ng bansa at ito ay ang Philippine National Police.
“The 1987 Constitution clearly articulates the government shall only maintain one police force, which is national in scope and civilian in character. As such, the Philippine National Police (PNP) remains as the constitutionally-recognized law enforcement arm of the government.” pahayag ni de Guia.
Paliwanag ni Atty. De Guia sapat na ang PNP upang maipatupad ang batas sa bansa at matiyak ang kaaayusan sa pamayanan na nasasaad sa kanilang mandato bilang Pambansang Pulisya ng Pilipinas.
Giit ni De Guia, ang pagbibigay ng armas sa mga sibilyan ng walang sapat na pagsasanay at pag-aaral sa nilalaman ng mga batas ay maaring mauwi lamang sa mga kaso ng pang-aabuso at karahasan.
Bukod dito, pinangangambahan rin ng kumisyon na maging sanhi ito ng higit pang paglala ng sitwasyon ng karapatang pantao sa bansa.
“We recognize that over the years the PNP has also gone through continuous development with the government matching this with ample resources to strengthen and capacitate our police force. The PNP is more than enough. Arming civilians without proper training, qualification, and clear lines of accountabilities may lead to lawlessness and proliferation of arms, which may further negatively impact the human rights situation in the country.” Dagdag pa ni Atty. De Guia.
Pagbabahagi ni Atty. De Guia, tiwala ang CHR sa kasalukuyang pamumuno at pagsusumikap ni PNP Chief Guillermo Eleazar na malinis ang hanay ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas na mayroong mandato na protektahan at tiyakin ang kaligtasan ng sambayanan kasabay ng pagbibigay halaga sa karapatang pantao ng bawat isa.
“We trust that the PNP, with PNP Chief Guillermo Eleazar at the helm, will do his best in ensuring peace and order in our communities, without compromising respect for human rights.” Ayon pa kay Atty. De Guia.
Unang tiniyak ng PNP–Chaplain Service ang pagsasakatuparan ng mandato nito na gabayan ang mahigit 190,000 kawani ng Pambansang Pulisya ng Pilipinas upang maging mabuting alagad ng batas na may pagkilala sa karapatan at dignidad ng bawat isa sa ilalim ng batas ng tao at batas ng Diyos.