437 total views
Inihayag ng opisyal ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines na malaking hamon sa mga parokya ang paigtingin ang pag-abot sa bawat nasasakupan.
Ito ang pahayag ni Kalookan Bishop Pablo Virgilio David – pangulo ng CBCP sa ginanap na Metropolitan Synodal Assembly ng Ecclesiastical Province of Manila nitong June 15.
Tinuran ng obispo ang kakulangan ng simbahan na lumabas sa isinagawang konsultasyon ng mga diyosesis kung saan kapansin-pansin ang malaking puwang na nararapat punan.
“Isang malaking hamon talaga sa ating mga parokya ang lampasan yung maintenance mode; aminado tayo na ang mga naabot lamang ng simbahan ay yung mga nasa sentro lamang ng ating mga parokya, yung mga nasa gilid at laylayan kailangan pa talaga nating abutin,” pahayag ni Bishop David sa panayam ng Radio Veritas.
Ipinaliwanag ng opisyal na ang pagmimisyon ay hindi lamang nakaatang sa mga missionary congregation kundi ng buong simbahan na binubuo ng kawan ng Panginoon.
Batid ni Bishop David na karamihan sa mga naglilingkod sa simbahan ay bukod tanging pari lamang ang kinikilalang pastol sa tupa ng Panginoon.
Igniit ng obispo na ang bawat isa bilang binyagang kristiyano ay tinatawagang maging pastol sa kapwa sa pakikibahagi sa misyon ni Hesus.
“Kung wala tayong impact sa society parang hindi pa talaga tayo nakikiisa sa misyon ng ating Panginoong Hesukristo,” ani Bishop David.
Dahil dito palalakasin ng simbahan sa Pilipinas ang diocesan synodal assemblies upang higit matugunan ang mga natuklasang puwang o suliranin sa pagitan ng Simbahan at pamayanan.
Itinuring ni Bishop David ang isinasagawang sinodo na malaking pagkakataon para isabuhay ang ‘communion, participation, and mission.’
“Isa sa mga common resolution ng mga diocese ay isang bagong round ng synod (pastoral planning) para matutukan talaga itong mga gaps na ito at mayroong resolutions na konkretong magawa ang bawat diocese,” giit ni Bishop David.
Sa pagtatapos ng Metropolitan Synodal Assembly pinangunahan ni Manila Archbishop Jose Cardinal Advincula ang banal na misa kasama ang ilang obispo habang si Bishop David ang nagbigay ng homiliya.
Sa pagtatapos ng banal na misa pinangunahan ng cardinal ang pagdarasal sa pormal na pagsara sa Metropolitan Synodal Assembly.
Kabilang sa Ecclesiastical Province of Manila ang Archdiocese of Manila; mga diyosesis ng Antipolo, Cubao, Imus, Kalookan, Malolos, Novaliches, Parañaque, Pasig, San Pablo; Apostolic Vicariates ng Puerto Princesa at Taytay sa Palawan; at ang Military Ordinariate of the Philippines.
Bukod kay Cardinal Advincula at Bishop David dumalo rin sa pagtitipon sina Bishop Francis De Leon, Bishop Nolly Buco, Bishop Honesto Ongtioco, Bishop Rey Evangelista, Bishop Dennis Villarojo, Bishop Roberto Gaa, Bishop Jesse Mercado, Bishop Mylo Hubert Vergara, Bishop Buenaventura Famadico, Bishop Socrates Messiona, Bishop Broderick Pabillo at Bishop Oscar Jaime Florencio.
Itinakda naman sa July 4 hanggang 7 ang National Synodal Assembly upang talakayin ang mga isusumiteng synthesis mula sa Metropolitan assemblies upang bumuo ng preparatory document na isusumite sa Vatican bilang paghahanda sa Synod of Bishops sa October 2023.