3,689 total views
Ang All Souls day ay paaala sa patuloy na koneksyon ng bawat isa sa mga namayapang kaibigan at mahal sa buhay.
Ito ang mensahe ni Pasig Bishop Mylo Hubert Vergara sa pinangunahang Banal na Misa para sa Paggunita sa mga Yumao sa Sto. Tomas de Villanueva Cemetery, Santolan, Pasig.
Ayon sa Obispo na siya ring vice president ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines, ang paggunita sa araw ng mga yumao ay isang pagkakataon upang maalala at magpasalamat sa mga pumanaw na kakilala at mahal sa buhay.
Ipinaliwanag ni Bishop Vergara na nagbibigay din ito ng patuloy na pag-asa sa bawat isa kaugnay sa pangakong buhay na walang hanggan ng Panginoon.
“Sana po itong pagdiriwang natin ng misa lalo na sa ating pagdiriwang ngayong araw ng mga yumao ay magsilbing napakagandang mensahe ng koneksyon natin sa mga pumanaw na mahal sa buhay, pag-alala, pasasalamat at pag-asa. Hari nawa sa tulong at awa ng Diyos sa ating pagdiriwang ng misa, ang pag-aalay din natin ng sakripisyo ng misa ay hindi para sa kanila kundi para sa atin din na naglalakbay patungo sa inaaam-asam natin na buhay na walang hanggan.”pagninilay ni Bishop Vergara.
Umaasa ang Simbahang Katolika na maisabuhay ng bawat mamamayan ang layunin ng Undas na paggunita sa mga namayapa at maging sa mga santo sa pag-aalay ng pananalangin at pagbisita sa mga himlayan para sa ikapapayapa ng mga kaluluwa maging sa purgatoryo.