212 total views
Ang pag-aalay ng buhay ng isang Pari ay isang pagtupad sa kaloob ng Panginoon at isa sa misyon ng pagiging Pari ni Kristo.
Ito ayon kay Caloocan Bishop Pablo Virgilio David kaugnay na rin sa pinakahuling ulat ng pagpaslang sa isang Pari na si Fr. Richmond Nilo mula sa Diocese ng Cabanatuan.
Paliwanag ng Obispo, nagiging ganap ang kanilang pagiging Pari sa pamamagitan ng pagsunod sa yapak ng tunay na pari na si Kristo.
Pagdidiin ni Bishop David-bise presidene ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) hindi dapat ituring na biktima si Fr. Nilo, kundi isang Martir.
Giit ng obispo ang dugo ng mga martir ang siyang nagdidilig sa ating pananampalataya para mas higit pang yumabong.
“Kaya tayo naririto pagkatapos ng dalawang libong taon buhay na buhay pa rin ang simbahan dahil maraming dugo ang dumanak. Mga dugo ng ating mga martir,” ayon kay Bishop David.
Si Fr. Nilo ang ikatlong Pari na napaslang matapos ang pamamaril at pagpatay kina Fr. Marcelito Paez ng Diocese ng San Jose, Nueva Ecija at Fr. Mark Anthony Ventura na mula naman sa Archdiocese ng Tuguegarao.
Ang pahayag ay bahagi ng Homiliya ni Bishop David para sa ika-122 kapistahan ng San Antonio De Padua Parish sa Tonsuya Malabon.
Ang parokya ni San Antonio ng Tonsuya ay itinayo bilang Kapilya noong 1896 at dahil sa paglago ng pananampalataya ng mamamayan sa lugar ay itinaas ito bilang Parokya noong 1989 sa bisa ng kautusan ng noo’y s Manila Archbishop Jaime Cardinal Sin.
Si Fr. Enrique Santos ang naitalaga bilang kauna-unahang kura paroko ng parokya na ngayon ay pinangangasiwaan na ni Fr. Benedict John Cervantes.