202 total views
Kinatigan ng Arsobispo ng Ozamiz ang desisyon ng pamahalaan na alisin na ang Martial Law sa rehiyon ng Mindanao.
Sa panayam ng Radio Veritas kay Archbishop Martin Jumoad, tiwala ito sa pagsusuri na ginawa ng mga tagapagpatupad ng batas hinggil sa sitwasyon ng peace and order sa Mindanao.
“Okay lang sakin, kung sa evaluation nila okay na then I have to bow the evaluation of the military,” pahayag ni Archbishop Jumoad.
Iginiit ni Archbishop Jumoad na mahalaga ang pag-iral ng demokrasya sa pamayanan kung saan may paggalang ang mamamayan sa karapatan ng bawat isa.
Batay sa impormasyong ibinahagi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, hindi na palalawigin ng Pangulong Rodrigo Duterte ang martial law sa rehiyon makaraang isumite ng Department of National Defense ang pinagsamang assessment sa kasalukuyang kalagayan sa Mindanao.
Tiwala ang punong ehekutibo sa kakayahan ng Sandatahang Lakas ng Pilipinas na pamahalaan ang mga lugar sa Mindanao at mangingibabaw ang rule of law maging ang kapayapaan sa buong lipunan.
Ayon pa kay Archbishop Jumoad, maaring ikonsidera ng pamahalaan ang batas militar sa mga piling lugar tulad ng Basilan, Jolo at Maguindanao batay na rin sa sitwasyon sa mga nasabing lugar kung saan may personal na karanasan ang arsobispo makaraang pamunuan nito ang Prelatura ng Isabela de Basilan sa loob ng mahabang panahon.
“Pero sana yung mga lugar na marami talagang rebelyon ang Jolo, Basilan pati na yung Maguindanao, sana they have to reconsider kasi mahirap din talaga kung wala yung peace of the law kasi alam natin dun na walang sinasanto na mga batas,” ani ni Archbishop Jumoad.
Mensahe ng arsobispo sa pamahalaan at tagapagpatupad ng batas na paigtingin ang pagpatupad ng mga batas sa bawat lugar partikular sa Muslim region na maraming grupo ang nanamantala tulad ng mga grupong may kaugnayan sa teroristang ISIS.
Panawagan din nito sa mamamayan na makiisa sa mga programang tumatalakay sa usaping kapayapaan at magdudulot ng pagkakabuklod buklod ng buong pamayanan.
“Bigyang diin natin na we have to live in peace and this can be achieve if we really observe the rule of law; sana po tayo ay mag-observe ng rule of law upang makamtan natin ang kapayapaan,” dagdag ng arsobispo.
Mayo 2017 nang ipatupad ang martial law sa Mindanao makaraang lusubin ng teroristang Maute ang Marawi City dahilan sa limang buwang digmaan na ikinasawi ng higit isanlibong indibidwal.
Sa orihinal na 60 araw, pinalawig ito ng pamahalaan sa buong 2018 at 2019 at pormal na wawakasan sa ika – 31 ng Disyembre ng kasalukuyang taon.