41,328 total views
Inaasahang sa mga susunod na araw ay tatalakayin na sa Mababang Kapulungan upang tanggalin ang ‘senior citizen booklet’ bilang requirement para makakuha ng diskwento ang mga nakatatanda sa kanilang pamimili.
Ayon kay Deputy Majority Leader at ACT-CIS Partylist Representative Tulfo, ipinag-utos na ng liderato ng Kamara ang pagbuo ng Technical Working Group upang muling pag-aralan ang batas na karamihan ay ‘obsolete na’ ang mga probisyon.
Giit ng mambababatas, sapat na ang ipakita ng mga senior citizen at PWD ang kanilang ID bilang pagpapatunay.
Sa umiiral na panuntunan, kinakailangan ng mga benepisyaryo ng batas na ipakita ang ID at purchase booklet kapag mamimili sa mga supermarket, convenience store at drug store.
Dagdag pa ng mambabatas na bilang mga senior citizen, karamihan sa kanila ay nakakalimot na dalhin ang kanilang ‘booklet’ dahilan upang hindi magamit ang diskwento.
“And the DSWD agree with me, gusto na rin po nilang patanggal. So ang mangyayari po dyan, nagbigay na po ng instruction ang house leadership na magbuo ulit ng Technical Working Group (TWG) para pag-usapan itong pag-aalis ng booklet na ito na perwisyo at pag-aaralan na rin ang discount baka taasan na ito.” ayon kay Tulfo sa panayam ng programang Veritas Pilipinas ng Radyo Veritas.
Bukod sa pagtatanggal ng ‘booklet’, pagtataas ng diskwento, kabilang din sa tatalakayin ng Kamara ang pagkakaroon ng discount ng mga senior citizen at Person with Disability sa mga delivery services tulad ng Grab, at LalaMove.
“Iyong mga delivery service, wala pong discount ang mga senior at PWD na dapat meron wala po sila doon, bakit? Kasi po ang mga Grab na ‘yan, Angkas, LalaMove ay naitatag noong pandemic. Itong batas na ito naitatag noong 2010, so ‘obsolete na’ at karamihan sa sections sa batas na ‘yan obsolete na kaya kailangan ng review-hin, ASAP,” ayon pa kay Tulfo.
Ang Republic Act 9994 o ang Expanded Senior Citizens Act ay pinagtibay taong 2010.
“Hopefully by summer, naalis na ‘yang booklet nadagdagan na ang discount ng mga senior citizen.” dagdag pa ng mambabatas.
Sinabi pa ng mambabatas na tinutukoy na rin ang mga pangunahing ginagamit din ng mga matatanda at PWD upang maisama sa listahan ng discounted items, kabilang na dito ang ‘adult diaper, gatas at mga gamot.’
Sa tala ng Philippine Statistics Authority, umaabot sa 9.22 milyon ang kabuuang bilang ng mga senior citizen sa Pilipinas.
Una na ring binigyan diin ng Santo Papa ang pagbibigay ng halaga sa mga nakakatanda na yaman ng lipunan bilang tagapagpamana ng kaalaman, kasaysayan at pananampalataya.