638 total views
Mga Kapanalig, aprubado ni Pangulong Duterte ang pagbabalik ng ROTC o Reserved Officers’ Training Corps sa Grade 11 at Grade 12. Sa kasalukuyan, ang ROTC ay isa sa tatlong pagpipilian ng mga mag-aaral sa kolehiyo sa ilalim ng National Service Training Program o NSTP; ang dalawang iba pa ay ang Literacy Training Service at Civic Welfare Training Service. Taóng 2002 nang ipatupad ang NSTP matapos gawing hindi na sapilitan o required ang ROTC.
Bakit nais ibalik ang programang ito? Ayon sa pamahalaan, ituturo ng ROTC sa mga kabataan ang pagmamahal sa bayan, wastong pag-uugali, respeto sa karapatang pantao, at pagtalima sa ating Saligang Batas. Upang maibalik ang sapilitang pagsali ng mga mag-aaral sa ROTC, kailangan itong maisabatas. May mga sang-ayon sa mga katwirang ito ng pamahalaan.
Mayroon din namang malamig ang pagtanggap dito dahil dagdag gastos ito para sa mga magulang. Matatandaang ginawang optional ang ROTC matapos matagpuang walang buhay ang isang estudyante ng isang malaking unibersidad noong 2001. Ang nasabing estudyante ay nagsiwalat ng katiwalian sa kanilang yunit. At hanggang ngayon, ayon sa mga grupong tutol sa ROTC, ay patuloy ang kurapsyon sa kasalukuyang porma ng ROTC. Dagdag pa ng mga kontra sa hakbang na ito, maling ideya ng pagmamahal sa bayan ang ituturo ng ROTC dahil ang pagsunod ng mga estudyante sa kanilang mga pinuno ay mistulang pagbubulag-bulagan at walang pagtatanong at kritikal na pag-iisip. Tinuturuan silang matakot sa mga otoridad, sa halip na makilahok sa pagbubuo ng mga patakarang wasto at tunay na makabubuti. May mga ulat din ng hazing at iba pang karasahan bilang paraan ng pagdidisiplina.
Sa mas malalim na pagsusuri, ang tradisyunal na disenyo at kasalukuyang pagpapatupad ng ROTC ay tila ba salungat sa malaya at makahulugang pag-uugnayan ng mga namumuno at ng mga pinamumunuan, bagay na mahalaga sa isang demokrasya.
Hindi takot o bulag na pagsunod ang sangkalan sa isang demokrasya. Kung ibabalik natin ang ROTC bilang pagsasanay sa ating mga kabataan, mainam na lutasin muna ang mga alegasyon ng katiwalian. Makatutulong ding pag-isipan kung mabisa nga ba itong paraan upang hubugin ang pagmamalasakit at pagmamahal sa bayan sa ating mga kabataan. Maaari nating itanong: ang mga kaisipang ibinabahagi sa mga daraan sa ROTC ay makatutulong ba sa kanilang tumayo bilang mga mamamayang nakikilahok sa usapin ng bayan.
Kung walang babaguhin sa ROTC, masasabi rin nating magiging salungat ang programa sa mga prinsipyo ng panlipunang katuruan ng Simbahan, lalo na ang may kinalaman sa pagpapalakas ng pakikilahok ng mga mamamayan o people empowerment. Sabi pa sa Catholic social teaching na Centesimus Annus, ang tunay na demokrasya ay posible lamang kung ang isang estado sumusunod at nagtataguyod ng batas at kung nakabatay ito sa wastong pagtingin sa kabuuan at dignidad ng tao. Ang lipunang may tunay na demokrasya ay nagbibigay ng pagkakataon sa kanyang mga mamamayang umunlad at makalahok sa lipunan. Batay sa mga prinsipyong ito sa ating mga Catholic social teaching, maaari rin nating itanong: ang magiging disenyo ba ng ibabalik na ROTC ay magtataguyod ba ng dignidad ng ating mga kabataan? Kung mananatiling lantad pa rin ang mga kabataan sa katiwalian at karahasan habang lumalahok sa ROTC, marapat na pag-aralang mabuti ang hakbang na ito.
Mga Kapanalig, malaki ang paniniwala ng ating pangulo na kailangang ibalik ang ROTC at maraming mambabatas ang sumusuporta sa kanya. Ngunit gaya ng sa ibang patakarang nais ipatupad ng administrasyon, huwag nating hayaang madaliin ang pagbabalik ng ROTC para lamang mapagbigyan ang nais ng iilan. Ang dignidad ng tao—o ng mga kabataan sa isyung ito tungkol sa ROTC—ang dapat na isaalang-alang ng mga bumubuo ng ating pamahalaan.
Sumainyo ang katotohanan.