445 total views
Kalabisan na ang pag-aresto sa mga tambay sa mga lansangan na wala namang ginawang Kasalanan o Krimen sa pamayanan.
Ito ang paninindigan ni Diocese of San Pablo Laguna Bishop Buenaventura Famadico, Chairman ng CBCP Episcopal Commission on Clergy kaugnay sa kampanya Kontra Tambay ng Philippine National Police.
Ipinaliwanag ng Obispo na dahil sa kahirapan sa buhay ng maraming pamilyang Pilipino ay hindi kataka-taka ang pananatili ng ilan sa mga lansangan upang maging maaliwalas ang pakiramdam mula sa init sa loob ng kanilang maliliit na tahanan.
Nagpahayag naman ng pagsang-ayon si Bishop Famadico na dapat maging kagalang-galang ang mga tambay sa mga pampublikong lugar sa pamamagitan sa pagsusuot ng damit.
“Tayo naman ay karamihan sa atin ay mga dukha, kapag ikaw ay mananatili doon sa loob ng bahay ay napakainit, mabuti pang lumabas sa kalsada at doon ka magpalamig, kaya lang syempre dapat mo ring respetuhin yung mga nasa labas at ikaw ay hindi pumunta sa labas ng nakahubad, kasi yung labas, it’s a public place kaya ito ay iyong igagalang na ito ay lugar para sa lahat pero kung ikaw ay aarestuhin dahil sa ganun ay sobra naman yun…” pahayag ni Bishop Famadico sa Radio Veritas
Humigit-kumulang sa 10-libong mga tambay ang dinakip ng Philippine National Police mula nang ipag-utos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte noong ika-13 ng Hunyo ang pag-aresto sa mga itinuturing na Potensiyal na gagawa ng Krimen.
Sinasabi ng PNP na kabilang sa mga pangunahing nilabag ng mga tambay na naaresto ay ang umiiral na Curfew, pag-inom ng alak sa mga Pampublikong lugar, mga kalalakihang walang pang-itaas na damit, paninigarilyo at maging ang paglabag sa mga Batas trapiko at iba pang Lokal na Ordinansa.