222 total views
Isa sa mga sukdulang nagpalungkot sa ating bayan ngayong Pasko ay ang paghagupit ng Bagyong Odette sa ating bansa. Matapos nito, ang impormasyong salat na ang budget ng bansa para sa pagbangon ng marami nating mga kababayan ay isa ring nakakapanlumong realidad na tumambad sa atin, sabay sa mga pinsalang dala ng bagyo.
Sa gitna ng mga pangyayaring ito, napakadaling mawalan ng pag-asa, kahit na pasko pa. Napapaligiran man tayo ng pagkaluray, hindi tayo dapat mawalan ng loob. Ito ang panahon upang magkapit-kamay, tumayo, at bumangon muli. Ito ay panahon ng pagbubukas ng ating mga mata at ng pagsabi na hindi na dapat tayo magkanda-kumahog at mataranta pa sa harap ng sakuna. Ito ay panahon upang matutunan na natin, once and for all, kung ano ang ating tamang gawin, para sa kapakanan ng buong bayan, lalo na ng mga nasalanta.
Mahigit pa sa 1.8 milyong pamilya ang apektado ng bagyo kapanalig, at marami sa kanila, namumulubi na pagkatapos ng sakuna. Alam na natin ang pangunahing pangangailangan nila, at marami sa atin ang nagpadala na ng tulong sa ilang mga lugar. Kaya lang kapanalig, huwag sana humupa ang pagtulong na ito. Sa ngayon, marami pang lugar ang hindi pa naabot ng ating kawanggawa. Marami pang lugar ang nasa dilim at karukhaan, nangangailangan ng pang-unang ayuda upang makatayo muli.
Huwag nating isipin na ang ating maliit na tulong ay laging bitin, o hindi mapapawi ang uhaw, gutom, o pighati ng mga mamamayang nawalan ng gamit, bahay, o pamilya. Kalakip ng ating ambag, gaano man kalaki o kaliit nito, ay ang ating mensahe ng pakikiisa o message of solidarity.
Ang Justicia in Mundo ay may paalala sa atin ukol sa kahalagahan ng pag-aaruga sa ating kapwa. Ayon dito: Our relationship to our neighbor is bound up with our relationship to God; our response to the love of God, saving us through Christ, is shown to be effective in his love and service of people. Christian love of neighbor and justice cannot be separated.
Tayong may mga kakayahan ngayon ay maaring magtanglaw ng liwanag sa ating mga kababayan na naghahanap ng aninag ng pag-asa ngayong kapaskuhan. Ito ay panlipunang katarungan. Ito ay kabutihang pangbalana. Bigyan natin ng pag-asa ang ating mga kababayan ngayong pasko.
Sumainyo ang Katotohanan.